Manila, Philippines – Kakandidato bilang House Speaker ng Kamara ang nanalong Kongresista ng Unang Distrito ng Leyte na si Rep Martin Romualdez sa muling pagbubukas ng ika-18 Congress.
Ito ang kinumpirma ngayon ni Romualdez sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay ng journalist for truth and freedom.
Ayon kay Romualdez, nagpaalam na rin siya sa kanyang partido na Lakas-CMD patungkol sa kanyang plano gayundin sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso.

Kaugnay nito, kumatok na rin aniya siya sa Pangulong Duterte upang ipabatid ang kanyang pagnanais na mahalal bilang House Speaker.
Umaasa naman si Romualdez na susuportahan siya ng Visayan block lalo na aniya at panahon na upang magluklok ng House Speaker na nagmula sa Visaya.
Nanindigan si Romualdez na suportado niya ang mga polisiya at programa ng administrasyong Duterte para sa progresibong Pilipinas.
Samantala, pabor naman si Romualdez sa pagtatag ng Department of Disaster dahil malaki ang maitutulong ito sa paghahanda sa anumang mga kalamidad.
Aniya, sentro ng kalamidad ang Pilipinas kaya nararapat lamang na paghandaan ng gobyerno.
Paliwanag ng mambabatas ang Pilipinas ay nasa sentro ng kalamidad kayat nararapat lamang aniya na paghahandaan ng gobyerno ang anumang mga kalamidad na dumadating sa ating bansa.
Dapat aniyang may departamento na tututok upang agad na mabigyan ng ayuda ang mga apektadong lugar at hindi na magturuan pa ang mga opisyal ng gobyerno kung sinu-sino ang dapat na sisihin sakaling hindi mabigyan ng agarang tulong ang mga Pilipino. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)