ROOT CAUSE ANALYSIS SA BUMAGSAK NA C-130

ROOT CAUSE ANALYSIS SA BUMAGSAK NA C-130

July 8, 2021 @ 9:04 PM 1 year ago


TINATAYANG nasa 53 ang nasawi sa pagbagsak ng C-130 lulan ang 96 katao sa Brgy. Bangkal, Patikul, Sulu.
Pawang mga kawal ng 45th Infantry Battallion (45IB) and Tactical Operations Group (TOG)-11 ang mga pasahero nito.

Kabilang sa mga nasawi ang tatlong sibilyan na nadamay sa pagbagsak ng eroplano.

Malaking aksidente na nagdulot ng kamatayan at pagkalustay ng ari-arian at mga pangarap.

Subalit papaano nga ba maiiwasan ang ganitong uri ng pangyayari?

Isa sa mga solusyon ang pagsasagawa ng malaliman at masusing imbestigasyon sa bumagsak na eroplano.

Kaakibat ng imbestigasyon ang “root cause analysis” o RCA.

Masinsinang hihimayin sa RCA ang bawat detalye kung ano ang mga katotohanan base sa mga nakalatag na ebidensya.

Layunin nito na matunton ang mga kamalian hindi upang maghanap ng masisisi kundi magrekomenda ng mga angkop na solusyon upang maitama ang mga mali at hindi na maulit ang katulad na trahedya.

Sa pagbagsak ng C-130 sa Sulu, mahalagang alamin ang mga sumusunod:
1. Klima;
2. Kapasidad ng eroplano at integridad ng mga bahagi nito;
3. Mga lulang kargamento;
4. Training para sa mga piloto;
5. Nakalaang emergency plan and procedures at pagresponde dito;
6. At iba pa tulad ng pagsusuri sa mga ebidensyang maaaring may kinalaman sa posibleng sabotahe at terorismo.

Malaki rin ang maitutulong ng narekober na black box recorder at pahayag ng mga saksi lalong-lalo na ang mga nakaligtas sa eroplano sa pagsasagawa ng RCA.

Magiging mabisa lamang ang gagawing imbestigasyon at root cause analysis kung ipatutupad ng mga otoridad ang mga rekomendasyong mailalatag upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.

o0o

Para sa inyong mga komento, suhestiyon, sumbong o tanong, mag-text sa +639455238284 o mag-email sa [email protected]