Roque sa pag-ere ng PDP-Laban meeting: ‘Newsworthy’ kasi, baka mai-scoopan

Roque sa pag-ere ng PDP-Laban meeting: ‘Newsworthy’ kasi, baka mai-scoopan

July 8, 2021 @ 3:50 PM 1 year ago


MANILA, Philippines-  Ipinaliwanag ng Malakanyang ang pag-ere ng PTV 4, ang media network ng gobyerno, sa nangyaring meeting ng PDP-Laban na siyang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque na unang-una ay hindi na kasi maaaring ihiwalay ang persona ni Duterte bilang Pangulo ng bansa sa kanyang political identity.

Ito ay sa gitna ng pagkokonsidera ng Pangulo na tumakbong pagkaBise sa 2022 elections.

Pangalawa, ay iginiit ni Roque na newsworthy ang nasabing pagpupulong kaya hindi naman maaring ma-scoopan ng istorya ang PTV.

“Ang alam ko po, whenever it’s newsworthy, it’s covered kasi kung hindi po, masku-scoop naman sila. PTV is still a news agency,” ani Roque.

At sa tanong kung ang tanggapan ng pamahalaan ay maaaring gumamit ng public resources para sa partisan activities, sinabi ni Sec. Roque na, “Iiwan ko na po ‘yang issue na ‘yan, kung ano ‘yong sinasabi ninyong partisan activities.”

“Pero the President po has always been the chairman of PDP-Laban, and there is simply no way to separate the political personality of the President from his functions,” aniya pa rin.

“Because halal nga po siya ng taong bayan, his position is principally political,” dagdag na pahayag nito.

Sinabi pa ni Sec. Roque na hindi pa rin nagbabago ang prayoridad ng pamahalaan.

“It’s still COVID-19,” anito.

“Pero what do you do? COVID-19 or not, elections are coming up, so political parties have to prepare and candidates will have to file their certificates of candidacy in the first 10 days of October,” ayon kay Sec. Roque. Kris Jose