Rose Lin, muling kinasuhan sa QC Court dahil sa vote-buying

Rose Lin, muling kinasuhan sa QC Court dahil sa vote-buying

April 11, 2022 @ 4:24 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Kinasuhan sa Quezon City Prosecutors Office ng 290 counts ng vote-buying si Quezon City 5th District congressional candidate Rose Lin.

Nabatid sa reklamo ng mga complinant na nagpapatuloy umano ang talamak na bilihan ng boto sa District 5, Quezon City sa kabila ng isinasagawang  imbestigasyon ng Commission on Election (Comelec) laban sa akusado.

Ayon kay Sarah Villalino ng grupong Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches nadagdagan pa umano ngayon ang modus ng malawakang vote-buying. Sa mga bahay-bahay na umano ng mga tinaguriang lider ni Lin nagaganap ang krimen.

Sinabi pa sa sinumpaang salaysay ng mga complainant na binubuo  umano ng mga indibidwal sa ilalim ng samahang Nagkakaisang Mamamayan ng Novaliches, itinatago  umano ng kampo ni Lin sa katagang ‘ayuda’ at ‘scholarship’ ang pamimili ng boto.

Sinabi pa ni Villalino na bunga ng mga kaganapan at pangyayari sa kanilang distrito nagpasya sila na magsampa ng kaukulang kaso laban kay Rose Lin.

Sinabi pa umano ng complinan na kasama sa mga inihabla ang siyam pang “kasabwat” ni Lin. Ang iba sa kanila ay mga nakaluklok na barangay official ng Distrito 5 na inaakusahang sangkot  sa pagbibili ng boto.

Si Lin ay asawa ni Lin Weixiong na tinaguriang financial manager ng maanomalyang Pharmally. Santi Celario