ROTC bill, muling ihahain sa Senado

ROTC bill, muling ihahain sa Senado

June 27, 2022 @ 1:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang ihain muli ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang panukalang mandatory ROTC   (Reserve Officers’ Training Corps) bill sa 19th Congress, na magbubukas sa July 25, 2022.

Sinabi ni Dela Rosa na magkatulad na panukala ang kanyang inihain noong 18th Congress upang magkaroon na ng mandatoryong pagsasanay militar sa kabataan.

“Yes, the same bill that I filed during the 18th Congress, ipa-file ko ngayon doon sa 19th Congress. At titingnan ko kung mayroong proposal ‘yung Office ng Vice President na gagawin nila, isa-submit sa akin, then I am willing to author such a bill na gusto nila, ‘yung version na gusto ni Vice President Inday Sara (Duterte),” ayon kay Dela Rosa.

Isa ang ROTC Bill sa top 10 priority bills ni Dela Rosa noong 18th Congress.

“That’s number two in my list of the top 10 priority bills na isa-submit ko on our first session day sa 19th Congress,” aniya.

Sa ilalim ng panukala ni Del Rosa, gagawin ang mandatoryong ROTC program sa Grade 11 at 12 sa lahat ng paaralan samantalang magkakaroon din ng advance ROTC sa unang dalawang taon ng higher education sa sinumang gustong maging opisyal ng naturang kurso.

Aniya, dapat nang ibalik ang ROTC dahil simula nang tanggalin ito, nagbago ang sense of price, nasyunalismo at pagka-makabayan.

“At tsaka alam natin, mayroon tayong impending threat galing sa ating mga kapitbahay na mga bansa, ‘yung China, nandiyan palagi ‘yung threat ng China diyan sa ating West Philippine Sea. So, worse comes to worst, we need, being a very small nation compared to the others, we need a ready reserve to support our regular armed forces in times of crisis,” ayon kay Dela Rosa.

Inihayag din ni Dela Rosa na sinasamantala ng leftist groups ang isyu sa pagbabalik ng mandatory ROTC upang pabagsakin ang gobyerno.

“Yes, talagang ine-exploit ng kabilang grupo ‘yan, ng mga makakaliwang grupo dahil ano bang purpose or main objective ng makakaliwa? ‘Di ba, to destroy the government?… So, paano nila maagaw kung mayroon tayong strong na Armed Forces, may strong tayo na reserve military force?…Ayaw na ayaw talaga nilang maibalik ang ROTC,”  giit ni Dela Rosa.

“So, tayo naman, wala naman tayong agenda kundi magkaroon ng malakas na depensa ‘yung ating bansa at ituloy na maibalik ang ROTC. ‘Yun lang naman at ‘yung disiplina ng ating kabataan ay manumbalik,” dagdag ng senador.

Tiniyak din ng dating PNP chief na walang puwang sa korapsiyon at pang-aabuso ang panukala na naging sanhi ng pagbagsak ng ROTC.

“Para maiwasan na ‘yung mga issues that led to the downfall of ROTC in the past ay kailangan, number one diyan, ‘yung ma-assign na military officers, military personnel  na magha-handle sa ROTC program…they must be coming from the best of the best ng military just like ‘yung sa PMA… magagaling para maiwasan talaga ang kalokohan at maganda ang takbo ng programa. So isa ‘yan sa ating babantayan,” ani Dela Rosa.  Ernie Reyes