ROTC, KAILANGAN BA TALAGA?

ROTC, KAILANGAN BA TALAGA?

January 30, 2023 @ 11:45 AM 2 months ago


MUKHANG hindi nagustuhan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga narinig n’ya sa public hearing ng Senado nitong nakaraang linggo.  

Tinalakay ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education ang panukalang  ibalik at gawing mandatory muli ang Reserved Officers Training Course o ROTC.   

Nag-komento kasi ang kinatawan ng Department of National Defense na kung tutuusin, suportado naman ng kagawaran ang panukalang batas, pero alam nila na baka mahihirapan ang gobyerno sa pagpapatupad nito.   

Anila, dahil meron halos 2,400 na mga universities, colleges at technical schools, at kakailanganin ng halos 10,000 libong tauhan para patakbuhin ang ROTC kung sakaling matuloy nga ito.

Bukod sa dagdag na mga tao, malaking halaga rin daw ang kakailanganin para sa pasweldo, kagamitan, mga babasahin at uniporme.   Hindi lang gobyerno ang gagastos dito, mukhang pati mga magulang mismo ay maglalabas din ng pera nila.

Ako mismo ay hindi pabor sa pagbabalik ng ROTC.   Kung babalikan kasi natin, marami ang magandang dahilan kung bakit inalis ang ROTC sa kurikulum ng kolehiyo noong 2002.   Una dito ay ang korapsyon sa buong sistema at palakad ng ROTC programs. 

Noon, pwede kang makatakas sa pagseserbisyo basta handa kang magbayad.   Bukas na sikreto yan sa aming mga nasa college noon.

Pangalawa, wala ka namang natutunan talaga sa ROTC sked nyo, bukod lang sa bilangin ang hakbang ng pagma-martsa ng kaliwa’t kanan at abante at paatras.   Buti pa ang Physical Education o P.E. namin na camping o outdoor recreation,  talagang natuto kaming gumamit ng compass at magbasa ng mapa.

Pangatlo, dagdag gastusin ang ROTC, at sa panahon ngayon na sobrang mahal ng mga bilihin lalo na ang pagpapa-aral sa mga anak, isa na namang dagdag gastos ito. 

Panghuli at pinakamahalaga, mukhang mabubuhay uli ang kultura ng karahasan at kalupitan.   Ang kaso ng mga hazing ang sumasagi sa alaala ng marami kapag ROTC na ang usapan.

Suggestion ko kay  dela Rosa ay makinig sa mga kasama sa public hearing ng komite nila sa Senado.  Kaya nga imbitado ang iba’t-ibang sektor, para makapag-bigay sila ng kani-kanilang mga kaisipan at mungkahi.  

Dapat nga ay kasama ang mga kabataang estudyante mismo sa susunod na Senate hearing, sa usapin ng ROTC.