Roy Mabasa, pinaiingatan din ni Hontiveros kay PBBM

Roy Mabasa, pinaiingatan din ni Hontiveros kay PBBM

October 26, 2022 @ 6:29 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Oktubre 26 kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na protektahan din ang kapatid ng napatay na broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Hontiveros, sa ganitong paraan ay mararamdaman ng publiko ang suporta ni Marcos sa freedom of speech ang proteksyon ng mga mamamahayag.

“Tiwala po akong mabibigyang proteksyon at suporta ng gobyerno ang mga naulilang asawa at mga anak ni Percy sa lalong madaling panahon. Tandaan rin po natin na hindi lamang ito para sa kapanatagan ng pamilya Mabasa. Ito ay pagtindig rin para sa kalayaan sa pamamahayag, at para sa lahat ng mga journalist na biktima ng karahasan at kawalan ng katarungan,” ani Hontiveros.

“Nanawagan ako sa administrasyon, protect the fourth estate from this reign of terror. Put an end to this gruesome death toll. Mr. President, our reporters, our media men, and women are not expendable,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa Senador, kung si Marcos mismo ang titindig sa usaping ito ay mas mabibigyan ng bigat ang isyu upang maresolba kaagad at magrerepresenta bilang isang official government policy.

“The President could speak on this matter alang-alang kay Ka Percy, alang-alang sa pamilya nila, alang-alang sa freedom of the press, sa panahon ngayon na hindi lang natin nilalabanan ang mga interpretasyon sa kasaysayan pero ipinaglalaban pa rin ‘yong mga batayang karapatan kasama na ‘yong freedom of the press,” paliwanag ni Hontiveros.

“Kung magsalita si Presidente personally tungkol sa kasong ito, hindi po magiging unwelcome iyon […] kung magsasalita siya I just hope, bilang isang mamamayan, magsasalita sila tungkol sa karahasan laban sa isang mamamayan, isa sa mga constituents sa bansang ito, at magsalita rin tungkol sa freedom of the press dahil ‘yon ‘yong isa na pinatay din kasabay ng pagpatay kay Ka Percy,” dagdag niya.

Matatandaan ilang beses na ring naglabas ang Malakanyang ng pahayag kaugnay nito ngunit karamihan ay mula sa mga opisyal tulad nina Executive Secretary Lucas Bersamin, Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. RNT/JGC