‘Run, Sara, Run’ movement suportado ni Roque



‘Run, Sara, Run’ movement suportado ni Roque

June 10, 2021 @ 6:14 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Suportado ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang “Run, Sara, Run” movement na magtutulak kay Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 elections.

“I support the ‘Run, Sara, Run’ movement but I respect that the decision will have to be made by Mayor Sara herself. But I have added my voice to the voices of many who believe she should be the next president of the country,” ayon kay Sec. Roque.

Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay isang araw matapos niyang sabihin na malabong mangyari ang pagtatambal nilang mag-ama (Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Mayor Sara) sa halalan sa susunod na taon.

Nagpahayag din si Sec. Roque ng kanyang intensyon na maghain ng “early resignation” bilang tagapagsalita ni Pangulong Duerte dahil sa posibilidad na gawan siya ng open-heart operation bago pa ang pagdaraos ng 2022 national elections.

Dagdag pa nito, maaari siyang tumakbo para sa public office sa susunod na taon sakali at magdesisyon si Mayor Sara na tumakbo sa pagka-pangulo.

Kinokonsidera rin niya ang pondo at ang kanyang kalusugan bago magdesisyon na sumabak sa kanyang 2022 political plans.

“As to whether or not I will run, well, depende nga po iyan sa maraming mga kunsiderasyon – funding, health, and of course, I don’t want to be presumptuous, hindi ko po alam kung sino ang iimbitahing mga kasama ni Mayor Sara,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Nauna rito, sinabi ni Sec. Roque na nakahanda siyang tumakbo sa pagka-senador sa 2022 national elections.

Pero sinabi ni Sec. Roque, gagawin niya lamang ito kung tatakbo sa pagka-presidente ng bansa ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Ayon kay Sec. Roque, tatakbo siya sa ilalim ng administrasyon.

Batay umano sa kanyang pagkakaalam, hindi tatakbo si Mayor Sara sa pagka-pangulo pero ipinapanalangin niyang magbabago ang isip ng mayor.

Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya pabor na tumakbo ang kanyang anak dahil hindi kakayanin ang trabaho lalo’t isa siyang babae at hindi niya “deserve” ang dadanasing pang-iinsulto at batikos ng mga kritiko.

Samantala, naniniwala naman si Sec. Roque na gusto na talaga ni Pangulong Duterte na mag-retiro pero gagawa pa rin ng desisyon na mas makabubuti sa bayan.

Kung tatakbo umano sa pagka-presidente si Mayor Sara, hindi tatakbo sa pagka-bise presidente si Pangulong Duterte.

Pero kung hindi tatakbo ang nakababatang Duterte, posibleng si Sen. Christopher “Bong” Go ang tatakbong presidente basta katambal o vice president nito si Pangulong Duterte.

“Naniniwala po ako na gusto ng magretiro ng Presidente, pero naniniwala din po ako na gagawa ng decision ang Presidente na mas makakabuti sa ating sambayanan. So, sa tingin ko po iyong isyu kung siya ay tatakbo o hindi, nakadepende po iyan, unang-una kung tatakbo si Mayor Inday Sara,” ani Sec. Roque.

“Kung tatakbo po si Mayor Inday Sara, sigurado po ako hindi siya tatakbo ng vice president, pero kung hindi po tatakbo si Mayor Inday Sara ay palagi naman po niyang sinasabi na at sinabi na rin po ni Sen. Bong Go na kapag hindi tatakbo si Mayor Inday Sara pupuwedeng tumakbo si Sen. Bong Go pero tatakbo lang siya kung katambalan niya si Presidente Rodrigo Roa Duterte.” Kris Jose


  •  
  •  
  •