Rush hour number coding, palalawigin – MMDA

Rush hour number coding, palalawigin – MMDA

February 23, 2022 @ 5:43 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Miyerkules, na pinag-aaralan nila ang posibleng pagpapalawak ng rush hour number coding scheme, na itinakda mula 5 p.m. hanggang 8 p.m.

Sa isang press conference, sinabi ni MMDA officer-in-charge at general manager Romando Artes na pinag-iisipan nilang magdagdag ng morning period sa number coding scheme mula 7 a.m. hanggang 9 a.m.

“Pinag-aaralan po natin yan na if ever baka po i-expand natin between 7 a.m. to 9 a.m. and 5 p.m. hanggang 8 p.m. yung number coding scheme,” ani Artes.

Dagdag pa ng opisyal na babantayan muna ng MMDA ang epekto ng inirekomendang Alert Level 1 status sa trapiko sa National Capital Region bago ipatupad ang expanded number coding scheme.

Sinabi ni Artes na ang sitwasyon ng trapiko sa rehiyon ay nasa katamtaman hanggang sa mabagal sa ilang panahon sa isang araw.

Simula noong Disyembre 1 noong nakaraang taon, ibinalik ng MMDA ang modified number coding scheme mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. sa mga karaniwang araw, hindi kasama ang mga pista opisyal, na sumasaklaw lamang sa mga pribadong sasakyan. RNT