Russia kumalas sa nuclear arms treaty

Russia kumalas sa nuclear arms treaty

February 22, 2023 @ 11:00 AM 1 month ago


MOSCOW — Sinuspinde ni Russian President Vladimir Putin ang paglahok ng Moscow sa isang nuclear arms treaty sa Washington at inakusahan ang Kanluran sa pagpapalaki ng sigalot sa Ukraine.

Sa kanyang state of the nation address bago ang unang anibersaryo ng giyera laban sa Ukraine, nangako si Putin na patuloy na lalaban ang Russia sa Ukraine at “sistematikong” makakamit ang mga layunin nito.

Sinabi niya na ang Moscow ay hindi na makikibahagi sa New START treaty para sa nuclear disarmament ngunit hindi ganap na lalabas sa kasunduan.

Ang 2010 deal ay ang huling natitirang arms control treaty sa pagitan ng dalawang pangunahing nuclear powers sa mundo ngunit ito ay nasira nitong mga nakaraang taon, kung saan inaakusahan ng dalawang panig ang isa’t isa ng hindi pagsunod dito.

Sinabi ng US Secretary of State Antony Blinken na ang desisyon ng Russia ay “napakalungkot at iresponsable” ngunit handa pa rin ang Washington na pag-usapan ang isyu.

Sinabi naman ng Secretary General ng NATO na si Jens Stoltenberg na ang hakbang ay nangangahulugan na “ang buong arkitektura ng pagkontrol ng armas ay nalansag.”

Nagsalita si Putin isang araw pagkatapos ng sorpresang pagbisita ni US President Joe Biden sa Kyiv kung saan nangako siya ng karagdagang paghahatid ng mga armas para sa Ukraine at “hindi natitinag” na suporta. RNT