Ruta ng mga jeep sa NCR naparalisa – Piston

Ruta ng mga jeep sa NCR naparalisa – Piston

March 6, 2023 @ 7:56 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng transport group na Piston na naparalisa ang 90% ng biyahe ng mga pampasaherong jeep sa Metro Manila sa isinagawang tigil pasada ngayong Lunes, Marso 6.

Ayon sa transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), alas-10 pa lamang ng umaga ay wala nang jeep at UV express na pumapasada sa ilang ruta sa Navotas hanggang Divisoria, Recto, Monumento, Malabon, Pateros-Pasig at Zapote-Paliparan habang may 99.9% ay hindi pumasada ang mga pampasaherong jeep sa kahabaan ng E. Rodriguez na may rutang Cubao-Quiapo, Kalaw-Project 2-3.

Sinabi ng Piston na karamihan sa mga ruta ng jeep at UV express ay paralisado tulad sa ruta ng Baclaran Metrobank- 90 percent paralisado, Novaliches-Blumentritt- 80 percent paralisado, Pasay -90 percent, Palapala-Imus -70 percent, Los Baños-Calamba -95 percent, Calamba – 80 percent, Cabuyao -95 percent, Antipolo -Junction Crossing – 90 percent paralisado at Cogeo-Cubao-80 percent.

Kaugnay nito, sa kabila ng pahayag naman ni Engr. Joel Bolano, technical division head ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mayroon lamang 10 percent ng mga ruta sa Metro Manila ang naapektuhan ng tigil pasada.

Aniya, may nailaan namang mga libreng sakay ang pamahalaan para serbisyuhan ang mga naistranded na pasahero.

Ayon pa kay Bolano, bukod sa Metro Manila, ang Calabarzon ay nakaranas din ng epekto ng tigil pasada habang ang ilang bahagi ng bansa ay normal ang operasyon.

Unang nagsabi ang grupong Manibela na isang linggo ang ikinasa nilang transport strike na sinimulan nitong Lunes at magtatagal hanggang Marso 12. Santi Celario