S.A.F.E  COPS  NG MALABON UMISKOR

S.A.F.E  COPS  NG MALABON UMISKOR

September 29, 2022 @ 6:39 PM 2 months ago


“WALANG puganteng madulas sa magaling na alagad ng batas”, ito ang kasabihang  napatunayan ng pulisya ng Malabon City  kaugnay ng  pagka-aresto ng tatlong  most wanted criminal.

‘Slippery as an eel’ kung ituring ng awtoridad  ang mga suspek  – ang magkakapatid na sina Janjan, Marlon at Mark Anthony Layson pero ang kanilang pagiging madulas ay hindi umubra sa intelligence team ng Malabon City Police.

       Ayon kay Malabon City Police chief PCol. Albert Barot,  ang Layson brothers ay naglahong parang bula na ‘di na matagpuan sa kanilang tahanan matapos pagtulungang  patayin si Jefferson Empleo, 27, apat na taon na ang nakakaraan.

        Ilang beses ang isinagawang police operation subali’t  palaging nakakawala ang mga salarin, pero hindi huminto ang  Malabon City  PNP, partikular  ang intelligence section sa pangunguna ni  PLt. Richel Siñel at PEMS Jerome Peralta.

        Dahil pursigidong  mahuli, sa wakas ay bumagsak din sa kamay ng  Malabon City  Police team ang Layson brothers na natunton sa pinagtataguang liblib na lugar sa Sitio Bulalao, Barangay San Jose, Taytay, Palawan.

        Sa tulong ng  Palawan PNP, ang mga suspek ay dinakip ng Malabon City  Police sa bisa ng warrant of  arrest na inisyu ni Judge Josie Rodil ng Malabon City  RTC branch 293.

      Hindi matatawaran ang accomplishment na ito ng PNP dahil gaano man kadulas ang Layson brothers na itinuturing na most wanted person sa CAMANAVA ay hindi sumuko ang intel team madakip lamang ang mga suspek.

        Ang team na ito na pinangunahan ni  Richel Siñel at  Jerome Peralta ay  metro cops na swak sa  S.A.F.E  (seen-appreciated-felt-extraordinary) police officers program  ni National Capital Region Police Office   chief PBGen. Jonnel Estomo.

        Sa  pagkaka-aresto ng Layson brothers, nakita, natuwa, naramdaman  ng publiko/taumbayan ang ginawang kakaibang pinag-ibayong  sipag at diskarte ng Malabon City Police team na nais ni Estomo  na maisakatuparan ng kanyang pamumuno.

        Dahil sa kanilang achievement,  muli na namang umiskor ang  Malabon City Police  na kamakailan lamang ay pinuri ni  Rep. Jaye Lacson – Noel dahil sa pagkakalutas ng rapist-murderer ng isang dalaga sa lungsod.

        Worth emulating ang  S.A.F.E cops na ito ng Malabon City PNP. Ano kaya ang  sey dito ng magaling na NCRPO chief  na si  Estomo?