S. Cotabato sapul ng fish kill; pinsala sumampa sa P10M

S. Cotabato sapul ng fish kill; pinsala sumampa sa P10M

January 14, 2023 @ 3:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sapul ng fish kill ang walong sitio na saklaw ng mga Barangay Poblacion at Bacdulong sa bayan ng Lake Sebu, sa South Cotabato nitong Biyernes.

Base kay Zaldy Artacho, Municipal Agriculturist, nagsagawa ng emergency harvest noong Huwebes ang ilang fish cage operators matapos mapansin ang paglutang ng ilang isda na may kalakihan na. Aabot sa 10 tonelada ang kanilang na-harvest.

Mayorya ng mga namatay na isda ay mga similya, na pagmamay-ari ng 134 na fish cage operators sa bayan.

Batay sa tala ng Municipal Agriculture Office at fish port, umabot sa 143,571 kilo ng tilapia ang namatay, na tinatayang nagkakahalaga ng halos P10,049,970 batay sa price average nito na P70 kada kilo.

Sinisilip na sanhi ng fish kill ang biglaang pagbabago ng panahon, overpopulation, o overcrowding sa fish cages.

Magpupulong ang lokal na pamahalaan sa Lunes para talakayin ang ibibigay na tulong sa apektadong fish cage operators. RNT/SA