Sa botong 20-0: DMW BILL NI BONG GO, APRUB SA SENADO

Sa botong 20-0: DMW BILL NI BONG GO, APRUB SA SENADO

December 15, 2021 @ 3:43 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng kanyang iniakdang panukala na kapag naisabatas ay lilikha sa Department of Migrant Workers.

Si Go, ang may akda at co-sponsor ng Senate Bill No. 2234, ay lubos na pinasalamatan ang mga kasamang senador sa pagboto (20-0) pabor sa nasabing panukala.

“I just want to congratulate and thank the hardworking sponsor, Senator Joel Villanueva for pushing for the passage of this measure. Talagang pursigido po ang ating sponsor na mabigyan ng sariling departamento ang ating OFWs (overseas Filipino workers),” ani Go.

“Alam ko po ang pinagdaanan ng ating sponsor mula sa pakikipag-usap sa iba’t ibang ahensya at OFW groups hanggang sa pag-reconcile ng iba’t ibang versions ng mga bills,” idinagdag niya.

Pinuri rin ni Go ang iba pang senador na sumuporta sa nasabing bill, sa pagsasabing “Maraming salamat din po sa ating Minority Leader Senator Franklin Drilon sa tulong at masusing pagsuri para ma-improve ang panukalang ito. Pare-parehas po ang ating layunin na mabigyan ng mas maayos na serbisyo ang ating OFWs.”

Sinabi ni Go na maraming OFWs na nalalagay sa masamang sitwasyon para lamang masuportahan ang kanilang pamilya at lalo itong lumala nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.

“Alam po natin ang sitwasyon na pinagdaanan ng ating OFWs. Hindi po nababayaran ang lungkot, lalung-lalo na po kung napapalayo sa mga mahal sa buhay para lang may pangtustos sa gastusin ng pamilya at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga anak,” ani Go.

“Sa katunayan, marami sa ating OFWs ang nawalan ng mga trabaho dulot ng pandemya. Umuwi po sila dito sa ating bansa, nawalan ng trabaho at nahirapan po sila,” idinagdag niya.

Umaasa si Go na sa pagtatatag ng hiwalay na departamento para sa OFWs, ang kanilang pinakakrusyal na problema ay matutugunan. Higit sa lahat, ang mahahalagang serbisyo ay maihahatid sa ating mga “bagong bayani” sa takdang oras.

“Problema nila kung paano mapapakain ang kanilang  pamilya. Noong mga nakaraang buwan at taon, maraming mga OFWs ang dumulog sa ating opisina para humingi ng tulong,” binanggit ng senador.

“Merong nakakulong dahil napagbintangang pumatay, merong inaabuso ng kanilang mga amo. Sana sa pagkatatag ng departamentong ito, makabalik sila sa normal na pamumuhay,” ani Go.

Sinabi ni Go na ang nasabing bill ay isa sa kanyang pinahihintay lalo’t ang legislative measures na ito ay sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang panukalang DMW ang siya nang papapel sa functions at mandates ng Philippine Overseas Employment Administration at siyang magiging pangunahing ahensiya sa ilalim ng executive branch na aatasang magpoprotekta sa karapatan at kapakanan ng OFWs.

Ang departamento rin ang lilikha at mag-iimplementa ng polisiya, magre-regulate at magmo-monitor sa overseas employment ng Filipino workers, at sa reintegration ng OFWs.

Ito rin ang magpo-promote sa pagpapalakas ng proteksyon ng OFWs sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng kasanayan at pagtiyak na mabigyan ng  access sa paghubog sa mga kaalaman at iba pa.

Idiniin ni Go na ang nasabing departamento ay hindi lamang bahagi ng legasiya ng Duterte administration kundi maging ng kasalukuyang Kongreso.

“Matagal na nating itinuturing na modern day heroes ang ating mga OFWs dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa ating ekonomiya at komunidad.”

“Kaya talagang malaking accomplishment ito dahil binibigyan natin ng tamang pagkilala ang mga bagong bayani sa panahong ito. Suklian natin ang kanilang sakripisyo ng isang mas maayos at mabilis na serbisyo,” ayon kay Go.

“Congratulations po sa ating OFWs. Matagal nilang ipinaglaban ang departamentong ito at ngayon ay maisasakatuparan na po. Para po ito sa inyo. Dedicated department ready to provide services to you. Tapos na po ang panahon na pagpapasa-pasahan pa kayo ng iba’t ibang ahensya,” aniya pa ####