SA GITNA NG MASSACRE LABAN LANG, MGA KAPATID

SA GITNA NG MASSACRE LABAN LANG, MGA KAPATID

November 24, 2022 @ 1:22 AM 6 days ago


KAHAPON muling inaalaala ng Pilipinas ang malagim na nangyari sa 32 mamamahayag na pinatay sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

Nasa 33 dapat ang mga mamamahayag subalit ang pustisong ngipin lang ang nakita na pala-tandaan kay kapatid na Reynaldo Momay.

57 lahat ang pinatay sa pagtadtag ng bala ng baril sa kanila, saka sila ibinaon sa malalim na hukay na gawa ng isang backhoe.

Kasama sa mga pinatay ang asawa ni dating Governor Toto Mangudadatu, ilang abogado nito, kamag-anak at mga sibilyang napasama sa kalsada at hinarang ng mga killer sa Barangay Masalay, Ampatuan, Maguindanao na ngayo’y Maguindanao del Sur.

Pinangunahan ang pag-alaala sa mga biktima ni National Press Club President Lydia Bueno at sinamahan siya ng iba pang mga opisyal gaya ni Paul Gutierrez, kalihim; Mina Navarro, ingat-yaman; Nats Taboy, at Madz Dominguez.

Nag-alay sila ng misa sa pangunguna ni Fr. Asis Bajao ng Agustinian Church na nakabase sa Intramuros, Manila.

HINDI PA TAPOS ANG LABAN

Bagama’t masasabing malaking bahagi ng Ampatuan o Maguindanao massacre ang natapos na nang ideklarang guilty ni Judge Jocelyn Solis-Reyes na guilty ang 28 sa mga killer o akusado habang napawalang sala ang mahigit 50 kasamahan ng mga ito, ‘di pa tapos ito.

Kasama sa mga principal accused na guilty ang magkapatid na Zaldy at Datu Unsay Ampatuan at 13 mga kamag-anak nila na may apelyidong Ampatuan habang guilty rin ang ilang pulis na matataas ang katungkulan.

Ngunit hindi pa natatapos ang laban dito dahil hindi pa nahuhuli ang marami nasa 100 pang suspek mula sa nasa 200 suspek at wala pa ring malinaw na kompensasyon sa mga biktima.

Isa pa, naging simbolo ang tagumpay ng laban sa Ampatuan massacre para sa mediamen ngunit hanggang ngayon, pinapatay pa rin sila.

Hindi natututo ang mga pumapatay sa mediamen, lalo ang mga nasa hanay ng tumutupad ng tungkulin, sa kasaysayan na mahaba ang kamay ng batas laban sa kanila.

Sa taon lang ito, pinatay sina Jaynard Angeles noong Enero 12, Federico Gempesaw – Hunyo 29; Renato Blanco – Setyembre 18; at Percival Mabasa, ex-director ng NPC, – Oktubre 3.
Ibang usapan pa ang ibang mga usapin tumutukoy sa mga mga utak ng mga pagpatay na pahirapan ang pagkalkal dito kaya naman, hindi mabuo-buo ang tunay ng hustisya.

At marahil, isang dahilan ng patuloy na pagmarder sa mediamen.

MARCOS GOVERNMENT SERYOSO

Seryoso ang pamahalaang Marcos sa pagtatanggol sa mediamen laban sa mga banta sa kanilang buhay o pananakit kaya.

At nakikita ito sa kaso ni Percy Lapid.

Tumawag lang sa pulisya ang mediaman na nanganganib ang buhay, naririyan ang agarang pagdating ng mga pulis para umayuda sa kanila.

Hindi dapat mamayani ang agam-agam sa pulisya ang mediamen at dapat paniwalaang bibihira sa mga pulis ang iskalawag para sila mismo ay maging bantay-salakay.

Napatunayan na natin ito sa matagal na panahon na kasama natin araw-araw ang maraming pulis.

Laban lang, mga kapatid.