Sa idinaos na Palace meeting: PBBM nakatuhog ng pangako mula sa ilang bansa

Sa idinaos na Palace meeting: PBBM nakatuhog ng pangako mula sa ilang bansa

October 14, 2022 @ 11:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakatuhog si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mga “commitments” o pangako mula sa ilang bansa.

Bunga ito ng kanyang pakikipagpulong sa mga ambassadors mula Turkey, Spain, Norway, Denmark, at Qatar.

Nagkaroon kasi ng serye ng pagpupulong si Pangulong Marcos sa mga diplomats, araw ng Huwebes, Oktubre 13, sa Malakanyang.

Kapuwa nag-presenta ng kani-kanilang credentials sina Ambassador Niyazi Evren Akyol ng Republic of Türkiye at Ambassador Miguel Utray Delgado ng Kingdom of Spain kay Marcos.

Sa nasabing event, ipinahayag ni Akyol ang commitment ng Turkey sa pagsuporta sa peace process agenda ng Pilipinas sa Mindanao habang ipinarating naman ni Delgado ang patuloy na kooperasyon ng Spain sa larangan ng mutual interest gaya ng international security, health, food security, at iba pa.

Tinanggap naman ng Punong Ehekutibo ang letters of credence nina Ambassador Christian Halaas Lyster ng Kingdom of Norway at Ambassador Franz-Michael Skjold Mellbin ng Kingdom of Denmark.

Ayon sa Malakanyang, si Lyster ay dating nagsilbi bilang Deputy Director General for Security ng Ministry of Foreign Affairs ng Norway.

Itinalaga rin siya sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Denmark at Malaysia.

Si Mellbin naman ay nagsilbi bilang Danish envoy sa United Arab Emirates (UAE), Permanent Representative to the International Renewable Energy Agency (IRENA) at Commissioner General for Denmark sa Expo 2020 Dubai bago pa itinalaga sa Pilipinas.

Nakipagpulong din si Pangulong Marcos kina Dr. Ali bin Ibrahim Ahmad AL-Malki, ambassador ng State of Qatar to the Philippines, sa isang farewell call. Kris Jose