SA KABILA NG SERYE NG PAGPATAY SA LOCAL OFFICIALS: Martial Law, malabong ideklara

SA KABILA NG SERYE NG PAGPATAY SA LOCAL OFFICIALS: Martial Law, malabong ideklara

July 9, 2018 @ 4:03 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Walang nakikitang dahilan ang Malakanyang para magdeklara ng Martial Law sa buong PIlipinas dahil lamang sa serye ng pagpaslang sa mga lokal na opisyal ng gobyerno.

Kasunod ito ng magkakasunod na pagkamatay nina Mayor Antonio Halili ng Tanauan City at Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija at kamakailan lamang ay si Trece Martires, Cavite Vice-Mayor Alex Lubigan

Kahit  magtuloy-tuloy pa ang kaso ng pamamaslang sa mga LGU officials, hindi ito maaaring maging batayan ng Pangulo para magdeklara ng martial law sa buong bansa.

Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi na bago at matagal nang ibinabato ng mga kritiko ni Pangulong Duterte ang nasabing usapin.

“Martial law is only for rebellion or invasion, dalawang basehan lang po iyan. Kahit ilan pa yang patayan na iyan, kung walang rebelyon at walang pananakop, wala pong dahilan para magkaroon ng martial law sa buong Pilipinas,” ayon kay Sec. Roque.

Maging ang state of national emergency ay hindi maaaring gamitin ng Pangulo lalo’t hindi pa nito tinatanggal ang naunang deklarasyon noong September 2016.

Sa ulat, nagpahayag ng pangamba si dating Solicitor General Florin Hilbay na posibleng bigyang katwiran ni Pangulong Duterte ang pagsasailalim sa buong bansa ng martial law kasunod ng serye ng mga pagpatay sa LGU officials.

Samantala, ikinalungkot naman ng Malakanyang ang nangyaring sunod-sunod na patayan sa bansa.

Sinabi ni Sec. Roque na obligasyon ng estado na imbestigahan ang mga kasong ito, litisin ang mga pumpatay at parusahan nang matigil na nga itong patayan na ito.

“So there is no system behind the killings, but the common obligation of the state is to accord justice and, of course, the domestic remedy to all victims of these killings ,” aniya pa rin.

Gaya ng posisyon ng PNP, sinabi ng Malakanyang na walang system, walang pattern sa nangyayaring patayan ngayon sa bansa na pawang mga lokal na opisyal ang biktima.

Sa tingin ni Sec. Roque, ang pinaka- plausible explanation sa serye ng patayan ngayon ay dahil political season na sa Pilipinas.

Kaya nga aniya ang Comelec ay nag-iisip na palawigin pa ngayon ang ban sa mga baril.

“Normally, there’s only a gun ban during the election season, but I understand that the Comelec is now studying the possibility of imposing the ban earlier than usual dahil mukhang marami na nga pong patayang nangyayari preparatory to the elections,” lahad nito. (Kris Jose)