Sa kabila ng sunod-sunod na ambush sa mga politiko, krimen sa bansa bumaba – PNP

Sa kabila ng sunod-sunod na ambush sa mga politiko, krimen sa bansa bumaba – PNP

February 28, 2023 @ 7:42 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Bumaba ng 19.49 porsiyento ang crime rate sa bansa mula Enero hanggang Pebrero 25 ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2022.

Ang nasabing datos na ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ay sa gitna ng sunud-sunod na pag-atake o pag-ambush laban sa mga lokal na opisyal ngayong buwan.

Sinabi ni Azurin na patuloy ang pagbaba ng peace and order indicators, partikular ang index crime, mula 6,141 noong Enero hanggang Pebrero 25 noong 2022 na bumaba sa 4,944 ngayong taon.

“I had been reporting every week na sabi ko na pababa ang crime environment sa ating bansa. Nakalulungkot na may mga insidente ng pamamaril laban sa ating mga halal na lokal na opisyal kung saan ang PNP ay nagtatrabaho na sa doble para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at dalhin sila sa hustisya,” ani Azurin sa mga mamamahayag sa Camp Crame.

Sinabi ni Azurin na ang sunud-sunod na pag-atake sa mga executive ng lokal na pamahalaan ay hindi pa gaanong nakakaalarma dahil pinanindigan niya na ang mga ito ay isolated cases lamang.

Ang sunud-sunod na pag-atake laban sa tatlong opisyal ng lokal na pamahalaan ay nangyari ng wala pang isang linggo — Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. noong Pebrero 17; Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda noong Pebrero 19; at alkalde ng Maguindanao del Sur na si Ohto Montawal noong Pebrero 22. RNT