Sa loob ng 2 linggo: BuCor walang naitalang COVID-19 cases

Sa loob ng 2 linggo: BuCor walang naitalang COVID-19 cases

July 15, 2020 @ 12:36 PM 4 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sa loob ng dalawang linggo ay wala nang naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 na nasa bilangguan sa ilalim ng superbisyon ng Bureau of Corrections o BuCor.

Ayon kay Justice Usec. at Spokesperson Mark Perete, nasa 343 pa rin ang bilang ng mga kaso ng virus sa mga bilangguan na nasa ilalim ng BuCor kabilang ang penal farm at colonies.

Aniya, mula July 1 ay wala nang bagong naitala ngunit patuloy pa rin ang kanilang monitoring.

Sa nasabing bilang ng pinakahuling naitala, nasa 18 dito ang namatay at 323 naman ang mga gumaling na sa sakit.

Sa 18 na pumanaw, 15 ang PDLs na mula sa National Bilibid Prisons o NBP at tatlo ay galing sa Correctional Institute for Women o CIW.

Ayon kay Perete, ang NBP at CIW lamang ang penal farms at colonies na pinamamahalaan ng BuCor na nakapagtala ng mga kaso ng COVID-19, habang nananatiling COVID-19 free ang ibang pang kulungan sa monitoring period.

Samantala, ang dalawang indibidwal o isang Person Deprived of Liberty o PDL at ang isa ay BuCor personnel ay nanatili pa ring naka-quarantine.

Dahil naman sa pandemya, suspendido pa rin ang personal na dalaw sa mga kulungan. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •  

Loading...