SA MGA KUKO NG DENGVAXIA

SA MGA KUKO NG DENGVAXIA

August 2, 2018 @ 6:50 PM 5 years ago


Patuloy na binabalot ng takot ang kawawang mga magulang ng mga batang nabigyan ng kontrobersyal na bakunang Dengvaxia lalo na’t kinondena muli ng Public Attorney’s Office (PAO) ang naturang gamot dahil sa pagkasawi ng ika-71 bata.

Nagpahayag si PAO chief Attorney Persida Acosta na ang pagkasawi ay naganap noong Hulyo 19, ilang araw lang matapos mamatay ang ika-70 biktima. Tulad ng maraming biktima, ang dalawa ay nagpakita ng magkakatulad na palatandaan at sintomas tulad ng pananakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagdurugo at kahirapan sa paghinga.

Kahit ano ang pagsisikap na ibigay ng mga doktor sa mga batang ito, kapag mahina ang kanilang immune system ay patuloy na babagsak ang kanilang kondisyon patungo sa pagka-comatose hanggang sa kanilang pagkasawi.

Muling nanawagan si Acosta sa Department of Health (DoH) na ideklara ang lumolobong bilang ng biktima ng bakunang Dengvaxia bilang health emergency.

Ikinumpara niya ang kanilang pagsisikap kay Noah ng Bibliya na nagbababala noon sa malaking baha pero ayaw paniwalaan ng mga tao. Noong Enero pa nananawagan si Acosta sa DOH na magdeklara ng health emergency kaugnay ng problema.

May katotohanan ba ang ulat na may pagsisikap ang DOH na mapagtakpan ang pagkasawi ng mga bata na naturukan ng Dengvaxia sa halip na pigilan ang pagkasawi ng ibang bata na nabigyan ng kontrobersyal na bakuna?

Hindi ito pwedeng balewalain dahil ang source ni Acosta ay ang mismong mga magulang ng mga biktima na nagbunyag na ang DOH ay nagbibigay umano ng P50,000 halaga ng tulong para sa kanila kasama ang isang waiver na kailangang pirma­han na nagsasabing ang ikinasawi ng kanilang anak ay walang kaugnayan sa Dengvaxia.

Walang dahilan para magtagpi-tagpi ng kwento ang mga magulang kaugnay ng pagkasawi ng kanilang mga anak dahil sinuri ng PAO ang mga ito.

Dapat makipagtulungan ang DOH sa PAO at ibang ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang pagkasawi ng ibang bata na nabakunahan ng Dengvaxia at makatuklas ng lunas sa halip na pagtakpan ang sitwasyon at pagplanuhan ang mga susunod na kamatayan.

Alalahanin na ang mga nakadarama ng pagka-guilty ay mga tao na may nais itago.

*              *              *

SHORT BURSTS. Binabati natin si Gabriel C. Barretto dahil nakuha na niya ang kanyang lisensya bilang Environmental Planner matapos mapabilang sa 1,891 na kumuha ng pagsusulit na nakapasa sa Environmental Planners Licensure Exam 2018 na ibinigay ng PRC noong Hunyo 6-7. Si Barretto, dean ng Real Estate Management Department sa Gardner College, North Ave­nue, Quezon City, ay humahawak din ng mga lisensya bilang Real Estate Broker at Real Estate Appraiser. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE NI ROBERT B. ROQUE, JR.