Sa pagtaas uli ng kaso ng COVID-19: Magpabakuna, magpa-booster – Bong Go

Sa pagtaas uli ng kaso ng COVID-19: Magpabakuna, magpa-booster – Bong Go

July 24, 2022 @ 4:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok muli ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang publiko na huwag maging kampante kasabay ng pagdidiin sa kahalagahan ng pagpapabakuna at pagpapa-booster sa gitna ng tumataas na namang kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Mayroon ngang naiulat na 2,074 new infections of COVID-19 […] at hindi pa kasama diyan ‘yung mga hindi idini-declare,” ani Go sa isang ambush interview matapos magbigay ng tulong sa mga mahihirap na residente ng Davao City kamakailan.

“Maaaring ito na po ‘yung pagko-cope up natin sa makabagong normal na tini-treat na nila na isa sa mga common colds o sakit ang COVID-19,” anang senador.

Kaya naman patuloy na hinihimok ni Go ang mga Pilipino na magpabakuna at magpa-booster kahit na ang bansa ay nasa estadong ginagamot na lamang ang virus tulad ng isang karaniwang sipon.

“But, huwag tayong maging kumpiyansa dahil habang nandidiyan pa si COVID, delikado pa po. Mas dapat nating paigtingin ang ating mga pagsisikap sa pagbabakuna,” dagdag niya.

Ayon sa Department of Health noong Huwebes, ang aktibong COVID-19 na impeksyon sa bansa ay lumampas sa 22,000 marka sa 22,207. Ito ay tumaas sa kabuuang bilang ng mga kaso sa Pilipinas sa 3,741,987, na may 3,659,139 na nakarekober at 60,641 na namatay.

Sa lahat ng rehiyon sa bansa, ang Metro Manila ang may pinakamaraming aktibong kaso na may 10,636, sinundan ng CALABARZON na may 6,167, at Central Luzon na may 2,821.

Hinimok ang DOH na tiyakin ang accessibility ng mga bakuna sa malalayong lugar, sinabi ni Go na ito ang susi sa bansa upang makabalik sa normal.

“Ang bakuna po ang tanging susi at solusyon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Wala na pong iba. As Senate committee on health chair, nananawagan po ako sa ating Department of Health na suyurin po ‘yung dapat suyurin. Marami pang hindi bakunado sa mga liblib na lugar kasi wala po silang access,” sabi ni Go.

“Huwag nating sayangin ang ating mga bakuna. Mag-encourage tayo, bigyan natin ng insentibo na magpabakuna ‘yung hindi bakunado, ‘yung hindi pa nakapag-booster shots dahil masasayang po ang mga bakuna,” dagdag ng senador.

Noong Hulyo 21, ang bansa ay nakapagbigay ng kabuuang 156,254,777 na bakuna. May kabuuang 71,481,960 indibidwal ang ganap na nabakunahan. Samantala, 15,851,582 Pinoy ang nakatanggap ng kanilang unang booster shot. RNT