Sa paninisi sa kinahinatnan ng laban sa WPS: Oposisyon, niresbakan ng Malakanyang

Sa paninisi sa kinahinatnan ng laban sa WPS: Oposisyon, niresbakan ng Malakanyang

June 20, 2018 @ 6:40 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Niresbakan ng Malakanyang ang mga oposisyon na mambabatas sa paninisi ng mga ito sa naging kinahinatnan ng laban ng pamahalaan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod ito ng sunod-sunod na banat ng mga oposisyong mambabatas sa tila pagiging malambot umano ng gobyerno at tila pag-akto pa bilang tagapagsalita ng China.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque na panahon ng nagdaang administrasyon nang mawala sa Pilipinas ang Panatag Shoal.

Sa ngayon aniya ay hindi pa rin malinaw sa publiko kung ano ang nangyari sa ilang beses na backdoor negotiations ni Senador Antonio Trillanes IV sa China.

Wala aniyang kahit na isang teritoryong nawala sa panahon ni Pangulong Duterte kaya’t makabubuting tigilan na ng mga nasa oposisyon ang pagbatikos sa kasalukuyang administrasyon.

Kaya aniya dumami ang mga barko at eroplano ng China sa WPS ay dahil naunang pinaporma ng Aquino administration ang BRP Gregorio Del Pilar sa pinag-aagawang karagatan.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit tuluyang nawala sa Pilipinas ang Panatag Shoal.

Magugunitang, sunod-sunod ang banat ng mga opposition senator sa issue sa WPS at sinisisi ang Duterte administration sa pagiging malambot umano sa China sa halip na igiit ang karapatan sa mga pinag-aagawang teritoryo.  (Kris Jose)