SA PILING MO, O SIERRA MADRE 

SA PILING MO, O SIERRA MADRE 

October 3, 2022 @ 7:06 PM 2 months ago


PADER laban sa bagyo o ‘stormwall’ .   ‘Yan ang bansag sa bulubundukin ng Sierra Madre.

Halos 540 na kilometro ang haba niya na binabaybay ang sampung probinsya sa silangang bahagi o’ eastern portion’ ng Pilipinas, at ang pinakamataas na rurok nya ay nasa 1,915 na metro.   Sampung probinsya mula Cagayan hanggang bahagi ng Rizal at Laguna at may lawak na 1.4 milyong hektarya ang abot nya.

Pinatunayan ulit ni Sierra Madre ang napakahalagang serbisyo n’ya sa mga Pilipino, nang basagin nya si Super Typhoon “Karding” noong nakaraang linggo. Pinahina ng Sierra Madre si Karding bago ito dumaan ng Metro Manila at Central Luzon at tuluyan na ngang lumabas sa Pilipinas.

Kasabay nang pag-hagupit ni Karding  dumagsa sa social media ang mga puna at paalala ng mga netizens.  Kung meron lang akong piso sa bawat “sana” na naka-post sa mga socmed, baka milyonaryo na ako ngayon.

 Sana alagaan natin ang Sierra Madre.  Sana huwag nating sirain ang mga kagubatan n’ya.  Sana magpatuloy ang mga serbisyong pangkalikasan ni Sierra Madre tulad ng pagpapadaloy ng tubig,  tirahan ng mga hayop at insekto,  pag-higop ng maduming ‘carbon dioxide’ sa hangin at pagbuga ng malinis na ‘oxygen’ .  Sana manatiling malinis ang mga ilog.  Sana huwag mapaalis ang mga katutubo sa lupaing minana sa mga ninuno nila. Sana huwag hayaang makalbo ang gubat.

Pero sa dami ng gustong pagka-kitaan ang Sierra Madre, baka sa loob ng isang henerasyon, hindi na kakayanin ng kabundukan ang pagbalahura sa kanya.   Nariyan ang mga iligal na pagtrotroso, pagmimina at quarrying.  Ang Kaliwa Dam at  projects ng residential subdivisions. Mga malakaking hi-way at diversion roads sa gitna nga mga kagubatan.  Kahit nga  tourism attractions ay meron ding negatibong epekto sa kabuuan ng Sierra Madre.

Nagulantang tayo sa mga nabalitang pagbaha sa Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Laguna at Rizal.   Pag nagpatuloy ang paghalay sa Sierra Madre, mas doble  ang pinsala at sakuna na makikita natin sa susunod na super typhoon.

Huwag sanang mangyari iyon, sa piling mo, Sierra Madre.