Sa piso kontra dolyar – Lacson: kailangan na natin mangamba na hindi nangangamba ang NEDA, DBM

Sa piso kontra dolyar – Lacson: kailangan na natin mangamba na hindi nangangamba ang NEDA, DBM

July 10, 2018 @ 5:23 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi maiaalis kay Senador Ping Lacson na manghimutok sa pananaw ng dalawang financial managers ng pamahalaan hinggil sa pagtaas ng halaga ng dolyar kontra sa piso dahil lubhang lomobo ang binabayarang utang panlabas ng bansa.

Kahapon, kinastigo ni Lacson sina National Economic Development Authority Director-General Ernesto M. Pernia and Budget Secretary Benjamin Diokno matapos ipahayag nila na walang dapat ikabahala sa paghina ng halaga ng piso.

“Kailangan na natin mangamba na hindi nangangamba ang NEDA Director-General at DBM secretary sa mahinang piso,” ayon kay Lacson.

Inihalimbawa ni Lacson ang pagbabayad ng utang-panlabas na umaabot sa $73.1 bilyon na kailangan magdagdag ng halagang P445.9 bilyon ngayong taon kumpara sa nakaraang dalawang taon.

“Noong Hulyo 2016, o dalawang taon ang nakakalipas, umabot lamang sa P47.30 kada US$1 ang palitan sa merkado.

“Ngayon, bumagsak ito ng all-time high sa P53.40 kada US$1,” ayon kay Lacson.

Sinabi ni Lacson na hindi kailangan maging rocket scientists upang malaman na sa pagbabayad ng utang-panlabas, kailangan magkaroon ng extrang P445.9 bilyon dahil P6.1 ang diperensiya sa palitan ng piso kontra dolyar.

Aniya, hindi pa kasali dito ang karagdagang pondo ilalaan ng pribadong sector sa pag-aangkat ng hilaw na materyales sanhi ng pagtaas ng halaga ng dolyar kontra piso.

“Magdasal tayo kung bakit hindi tayo dapat mag-alala,” ani Lacson.

Inhayag kahapon ng mga economic managers ng pamahalaan na hindi dapat ikabahala ang pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar dahil tumitibay ang paglago ng ekonomiya dahil masigla ang manufacturing sector at consumer sector.

Bukod sa tumaas ang halaga ng produktong petrolyo dahil mas malaking inilalaan sa pag-aangkat ng langis, nagkaroon ng karagdagang singil sa pasahe sa pampublikong sasakyan.

Tumaas din ang pangunahing bilihin kabilang ang mga serbisyo tulad ng kuryente, tubig at iba pang sanhi ng paghina ng piso at pagpapatupad ng bagong reporma sa pagbubuwis.  (Ernie Reyes)