Sa sakyan at gasolina

Sa sakyan at gasolina

July 10, 2018 @ 6:39 AM 5 years ago


 

Noong nakaraang Lunes ng umaga, ipinamahagi ng National Capital Region Police Office sa pangunguna ni Acting Regional Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang may siyamnapu’t pitong (97) sasakyan sa iba’t ibang distrito sa Metro Manila.

Nagpasalamat si Gen. Eleazar kay Pangulong Rodrigo Duterte at Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde dahil sa walang humpay na suportang ibinibi­gay sa kapulisan para matagumpay na malabanan ang krimen, lalo na sa Maynila na siyang salamin ng bansa.

Ipinamahagi ang mga sasakyan sa Manila Police District, Northern Police District at Southern Police District.

Hindi nabiyayaan ang Quezon City Police District na pinanggalingan ni Guillor, tawag kay Gen Eleazar ng mga kakilala, sapagkat napa­kara­ming sasakyan ng QCPD dahil sa suportang ipinagkaloob ni Mayor Herbert Bautista sa huli bunga ng sipag, tiyaga, talino at husay sa pamumuno na ipinamalas ng general.

Batid ni Gen. Eleazar na magiging epektibo ang iba’t ibang police operation ng mga distritong nabigyan ng sasakyan sapagkat magi­ging mabilis ang responde ng mga ito sa hinihi­nging police assistance ng mga mamamayang kanilang pinagsisilbihan.

Naniniwala ang magiting heneral na mula sa Tagkaua­yan, Quezon na mas magiging epek­tibo ang mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin dahil may modernong sasakyan ang mga ito.

 Pero dahil matagal tagal na ring nagko-co­ver ng NCRPO o iba’t ibang distrito ang inyong ling­­kod, kung kaya sa bandang huli ay posib­leng ma­ging problema pa rin ng mga rerespondeng pulis ang gasolinang kanilang ikakarga sa mga sasak­yan na naitoka sa kanila.

Ilang pulis na rin ang nagsabi na bibigyan lang sila ng kanilang hepe ng P200 halaga ng gasolina na gagamitin nila sa pag-iikot sa loob ng mag­hapon at magdamag.

Naman!

Saan makararating ang masabing halaga?

Aba’y hindi na makaiikot ang mga pulis sa kanilang papatrulyahang lugar.

Pero ang sagot dito ay ang mga alkalde o ang local government unit (LGU) na sana’y tulungan din naman ang PNP sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Kung mabibigyan sana ng tamang gas allocation ang PNP, tiyak na maisasaayos ang operas­yon.

May mga pagkakataon din naman na may tulong o ayuda ang LGU subalit ipinamamahagi o ibinebenta naman ng ibang pulis sa kanilang mga kamag-anak at kakilala.

Ang tamang sagot sa kaayusan at kapayapaan sa ating pamayanan ay ang totoong pag­tutulu­ngan at maayos na samahan ng PNP at LGU, kasama ang mga negosyante at mama­mayan.

-PAKUROT NI BOTONES