Sa usaping pera, Neri, spoiled kay Chito!

Sa usaping pera, Neri, spoiled kay Chito!

July 7, 2021 @ 6:54 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Sa kanyang Instagram account, ipinaliwanag ni Neri Miranda ang tungkol sa arrangement nila ng asawang si Chito pagdating sa kanilang finances.

Sa kanya kasing vlog na “Usapang Pera”, sinabi ng Parokya ni Edgar frontman na kapwa sila may sariling negosyo ng asawang si Neri.

Katunayan, dahil kapwa sila may sariling business, hindi raw siya nakikialam sa pera ng asawa.

Aniya, si Neri raw ang tipong mas malakas ang loob sa kanya pagdating sa pagpasok sa iba’t-ibang klase ng negosyo.

Maituturing daw na risk taker ito samantalang siya raw iyong tipong konserbatibo kapag pera na ang pinag-uusapan.

Umani naman ng samu’t-saring reaksyon sa netizens ang naging pahayag ni Chito sa kanyang vlog kaya naman minabuti ni Neri na ibigay ang kanyang panig sa kanyang Instagram account.

Aniya, kahit may sari-sarili silang pera, ini-spoil pa rin daw siya ng mister.

“Marami kasing nagtatanong kung bakit may sari-sarili kaming pera,” bungad ni Neri.

Ani Neri, si Chito raw ang in-charge pagdating sa kanilang monthly allowances at ito rin daw ang nag-aasikaso sa pagbabayad ng kanilang monthly dues sa kuryente, sa tubig, sa  internet at iba pa.

“Si Chito pa rin naman ang nagbibigay ng monthly allowance para sa bahay. Siya pa rin naman ang taya sa mga date namin,”paliwanag pa niya.

Ibinida rin niya na hindi raw siya iyong tipong materyosa o mahilig sa luho kaya nakakaipon sila.

“Hindi lang talaga ako mahilig magpabili ng materyal na bagay,” esplika niya. “Mas gusto ko kasi na bumili ng properties. Mas mapapakinabangan namin. Pwede namang ulit ulitin ang mga sapatos at bags, hehe! Wala rin namang pupuntahan,” dugtong niya.

Sa huling bahagi ng kanyang post, sinabi niya na baka ma-misinterpret na pinapabayaan siya ng mister kaya nilinaw niya ang naging pahayag nito dahil kung tutuusin, siya itong ini-spoil ng singer.

“At yes, spoiled pa rin ako ng asawa ko lalo na sa pag-aalaga, pagmamahal, at pagiging loyal. ‘Yun ang pinaka-importante,” pagtatapos niya. Archie Liao