Sabong balik-ruweda na; pagkakaisa ng gamefowl associations kinilala ng GAB

Sabong balik-ruweda na; pagkakaisa ng gamefowl associations kinilala ng GAB

November 5, 2020 @ 9:28 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Sa unti-unting pagbabalik ng sabong (cockfighting), nananalaytay muli ang sigla ng mga Pinoy na nakasandal sa industriya at naisakatuparan ito dahil nagkaisa at nagtulungan ang lahat ng indibidwal at grupo na kaagapay sa kabuhayan ng sambayanan.

Mismong si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang personal na nagpasalamat at nagbigay ng pagkilala sa  local breeders, feed millers at veterinary association representatives sa isang payak na programa kamakailan.

“We understand that these associations have different interests; thus, we are really grateful to them for heeding our call to work together towards the resumption of cockfighting in the country,” pahayag ni Mitra.

Ipinagkaloob ng GAB ang certificates of appreciation kina Dr. Eugene Mende (President of Philippine Veterinary Drug Association), Dr. Bernard Baysic (Philippine Veterinary Medical Association), Mr. Albert Irving Uy (Thunderbird-UNAHCO), Ms. Ma. Stephanie Nicole Garcia (President of Philippine Association of Feed Millers), Mr. Arnel Anonuevo (Kasama Agri Products and Services), Mr. Mark Lopez (Lakpue Drug Inc. ) at Ms. Vicky Tobiano-Chu (Progressive Poultry Supply Corp.).

Kabilang ang sabong sa sektor na pinadapa ng COVID-19 pandemic matapos isailalim sa community quarantine ang kabuuan ng bansa. Sa pagsulong ng ‘new normal’ bilang pagpapatupad sa ‘safety and health’ protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF), kagyat na nakipagpulong si Mitra sa iba’t ibang asosasyon tulad ng Philippine Veterinary Drug Association (PVDA), Philippine Association of Feed Millers (PAFMI), United Association of Cockpit Owners and Operators of the Philippines (UACOOP), International Federation of Gamefowl Breeders Associations (FIGBA), Inc. at kay Mr. Tady Palma.

Nitong Oktubre 15,  tinanggap ng IATF ang mga isinumiteng programa ng GAB ay pinahintulutan ang pagbabalik ng sabong (cockfighting) sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at sa masusing paggabay ng local government units (LGUs) sa mga tinukoy na lugar. Rico Navarro