SAFE NCRPO App Alert inilunsad nina SILG Abalos, PMGEN Estomo

SAFE NCRPO App Alert inilunsad nina SILG Abalos, PMGEN Estomo

January 16, 2023 @ 6:51 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iba talaga ang grasp ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen Jonnel Estomo sa makabagong teknolohiya at mahusay na naiaaplly niya sa Metro security at peace and order.

Lunes ng tanghali, Enero 16 ay inilunsad niya ang isang SAFEAPP upang mapabilis ang pagresponde at maging epektibo ang sistema na makarating kaagad ang sumbong sa anumang krimen o problemang nangangailangan ng tulong ng pulis habang ito ay kasalukuyang nangyayari gamit ang cellphone.

Pormal nang inilunsad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ‘S.A.F.E. NCRPO App Alert’ na ginanap sa Hinirang Multi-Purpose Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City na naging Panauhing Pandangal si Secretary of the Interior and Local Government Atty Benhur Abalos.

Kasama rin ang ilang City Mayors , Mayor Lani Cayetano, Emi Calixto -Rubiano, at Atty Ike Ponce; at mga representative ng Metro Manila, PNP District officials, Station Commanders, barangay officials at ang kanilang mga barangay tanod.

Ayon kay PLtCol Mark R. Foncardas, Project Manager/Consultant ng S.A.F.E NCRPO App Alert, ang nasabing proyekto ay makabagong paraan para sa mabilis na pagresponde ng mga alagad ng batas sa mga mamamayan habang nagaganap ang isang krimen.

Dahil dito ay higit na mapapabilis ang pagdating ng mga pulis at madaling mahuhuli ang sinumang gumawa ng krimen.

Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Police PMGen Jonnel Estomo na bahagi ng proyekto na mas paigtingin ang kanilang pagsugpo sa illegal activities ng mga masasamang elemento na naglipana sa Metro Manila.

Ani Estomo, una munang makatatanggap ng App na ito ang mga barangay chairman na siyang pipili kung sino ang puwedeng magdown-load ng naturang App Alert sa hanay ng kanyang mga barangay tanod na agarang magpupukol ng impormasyon sa pulisya ukol sa nangyayaring krimen sa kanilang lugar.

Sa sandaling ganap nang maisaayos ang nasabing programa ay maaari na ring magdownload ang mga nasa hanay ng religious group, mga ospital, at government institutions, na hanggang sa kalaunan ay magkakaroon na rin ng PNP App Alert ang bawat indibidwal.

Paliwanag pa ng NCRPO chief, sa pamamagitan ng naturang police app alert ay direktang matatanggap ng Command Center ang mga sumbong ng publiko gamit ang mobile phone at agad na maibibigay ang impormasyon sa pinakamalapit na pulisya para sa mabilis na aksyon at pagresponde. Dave Baluyot