SAFETY AND HEALTH PROGRAM, SUSI SA PAG-ASENSO

SAFETY AND HEALTH PROGRAM, SUSI SA PAG-ASENSO

February 16, 2023 @ 8:55 AM 1 month ago


MALAKING tulong para sa mga negosyante at manggagagawa ang pagsasakatuparan ng tinatawag na Occupational Safety and Health Program. Sa ilalim ng umiiral na batas sa OSH, obligado ang bawat employer na gumawa at magsumite ng naturang programa sa Department of Labor and Employment.

Ayon sa mga eksperto, isang mabisang paraan ito upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng bawat manggagawa. Siyempre, kailangang kumpleto at komprehensibo ang nilalaman ng dokumentong ipatutupad ng bawat establisimyento.

Upang masiguro ito, may available na template na maaaring magagamit at magsisilbing batayan ng compliance. Kapag pasado sa labor department ang dokumentong ipinasa, aaprubahan nila ito bilang opisyal na polisiya ng kompanya sa OSH at magiging gabay para sa labor protection.

Sakop ng panuntunan ang lahat ng uri ng negosyo. May OSH program para sa maliliit na establisimyento na may kakaunting empleyado at meron din naman para sa malalaking kompanya na malaki ang populasyon ng nagtatatrabaho. May angkop na OSH program din para sa mga negosyong nasa low, medium at high risk category.

Kabilang sa nilalaman ng programa ang pirmadong commitment ng bawat employer o kaniyang kinatawan. Isa itong pagpapakita na alam at kusang tinatanggap ng pumipirma ang kaniyang obligasyon at liability sa OSH.

Kailangang ding isumite kasama ng programa ang risk assessment sa bawat aktibidades na mayroong significant risk. Sa pamamagitan nito, nalalaman na agad ng mga nagtatrabaho ang mga hazard at kung gaano ito kapanganib.

Hindi madaling iwasan ang panganib lalo na kung hinihingi ito ng pagkakataon, kaya may kalakip ang risk assessment na mga detalyadong solusyon upang mabawasan ang posibilidad na mangyari ang aksidente at sakit.

At dahil may proteksyon ang mga manggagawa dahil sa programa, maaari ring sabihin na protektado ang produksiyon at negosyo dahil walang nasasayang na buhay, oras at pera ng dahil sa aberya. Kinakailangan lamang sa implementasyon ang consistency at kooperasyon ng bawat employer at manggagawa.

Tiyak na marami pa tayong matututunan kung babasahin natin ang iba pang elemento ng OSH program sa Chapter 4, Section 12 ng DO 198-18 ng labor department.