SAFETY LEADERS WAGI ANG SCORECARD NGAYONG 2023

SAFETY LEADERS WAGI ANG SCORECARD NGAYONG 2023

January 5, 2023 @ 1:18 PM 1 month ago


SA pagkamit ng mga pangarap at mithiin,  makabubuti ang pagkakaroon ng matatag at matibay na pundasyon. Mas epektibo ito para masiguro natin ang katanggap-tanggap at inaasam na resulta o ‘scorecard’. Ang scorecard kasi ang batayan ng ating mga performance.

Halimbawa na lamang ng pagpapatayo ng bahay, kailangang masiguro ang integridad, tibay ng biga at iba pang konkreto bago ito pinturahan at palagyan ng dekorasyon. Kaya ang resulta – may kaaya-ayang ka nang tanawin, panatag pa ang iyong kalooban na hindi guguho ang anomang istruktura ng kabahayan.

Sa health and safety, very basic ang pagkakaroon ng mga layunin, pagpaplano at klarong ‘objectives’ o layunin sa pagkakamit ng inaasam na scorecard. Pero hindi mangyayari ito kung puro na lang pagpapaganda ng numero ng scorecard ang ating gagawin. Hindi pa rin matatag kung puro dekorasyon lang. Wala tayong tibay na maasahan sa ganyan. Hindi maganda sa negosyo ang pagmamaniobra ng paperworks. Importante kasing malaman ang katotohanan na nangyayari sa workplace para maisaayos at mabago ang maling kultura.

Kailangang committed at totoong safety leaders ang nagmamanage ng health and safety para masiguro ang implementasyon ng bawat polisiya at makamit ang inaasam na scorecard. Hindi kailangang safety officer ang safety leader na ito, kahit sino ay puwedeng maging safety leader. Siya ang magbibigay ng tamang direksiyon, marunong kumilatis at laging nag-iisip kung papaano pupunan ang kapakanan at kaligtasan ng kaniyang mga kasama. Isang modelo na magbibigay ng inspirasyon sa marami.

Kailangang maging ganito ang bawat isa. Hindi lamang sa lugar ng patrabaho kundi pati na rin sa ating komunidad at bawat kabahayan. Gusto mo ba ng mataas na score ngayong 2023? Kung ganun, be a safety leader!!!