SAFETY PROTOCOL, PRAYORIDAD SA FACE-TO- FACE CLASSES

SAFETY PROTOCOL, PRAYORIDAD SA FACE-TO- FACE CLASSES

August 18, 2022 @ 11:46 AM 1 month ago


SA November 2, 2022, nakatakdang magsimula ang mandatory face-to-face classes ayon sa utos ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio.

Mainam ito kasi alam naman nating mas epektibo ang pag-aaral sa aktuwal kaysa ON-LINE. Kung hindi tayo inatake ng pandemya, nailigtas din sana natin ang ilang mga magulang sa ‘kumunoy’ ng mga module, he-he-he.

Maliban sa pagpapatupad ng health protocol, maisip din sana ng mga opisyal ng eskuwelahan ang safety protocol na dapat ipatupad sa pagbubukas ng klase sa August 22, 2022.

Magkaroon sana ng komprehensibong pamantayan sa loob ng eskwelahan upang makaligtas ang mga estudyante hindi lamang sa sakit na COVID-19 kundi pati na rin sa aksidente.

Mas makabubuti kung may sapat na bilang ng safety officer na magmomonitor ng safety and health program na ipatutupad ng principal, guro,  staff, personnel at iba pang empleyado ng isang paaralan .

Sa pamamagitan ng safety officer, maaaring mabuo ang isang safety and health committee na magbabalangkas at mag-aapruba ng polisiyang dapat sundin habang nasa loob ng paaralan.

Aba, napakadelikado rin kung walang proteksiyon ang ating mga anak kung sila ay nasa isang laboratoryo. Maaari kasi silang manganib sa iba’t-ibang uri ng kemikal na naroon habang nag-eeksperimento. May asido at nakalalasong materyal ang maaari nilang suungin.

May panganib din ang pagbubuhat ng malalaking bag dahil sa mga lamang libro. Maaari itong maging dahilan ng pananakit ng katawan at pagkakuba ng ating mga estudyante.

Kailangan din silang ingatan mula sa mga sakit na maaaring makuha dahil sa pagkain ng mga street food at kontaminadong inumin.

Makabubuti kung may kinatawan sa komite ang mga magulang upang makapagbigay ng maraming ideya at suhestyon na makatutulong sa safety program ng eskuwelahan.

Kulang ang espayong ito kung iisa-isahin pa natin ang iba ang mga panganib sa face-to-face classes. Bastat ang masasabi natin, mas lalong may pag-asa ang bayan kung laging ligtas ang ating mga mag-aaral.