‘Sagupaan’ nina Bam at Pacquiao sa death penalty, umiinit

‘Sagupaan’ nina Bam at Pacquiao sa death penalty, umiinit

August 8, 2018 @ 11:28 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Inaasahang “sisiklab” ang sagupaan nina Sen. Bam Aquino at Sen. Manny Pacquiao sakaling simulan  ang deliberasyon sa pagbabalik ng death penalty sa bansa na nilusaw noong 2004.

Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi ni Sen. Bam na kanyang haharangin ang panukalang ibalik ang death penalty matapos pormal na suportahan ni Pacquiao ang batas na nakahain ngayon sa Senado.

Pinaburan din ni Senate President Vicente Sotto III ang panukala ngunit inamin nitong “mahihirapan” na makapasa ang panukala dahil bantulot ang ilang senador na pawang mga Katoliko.

Sinabi ni Sen. Bam na labag sa kautusan ng Bibliya ang parusang kamatayan na matinding ipinahayag kamakailan ng Santo Papa na ipinagbabawal ang naturang parusa sa lahat ng antas dahil may dignidad ang tao kahit nagkasala.

“Kahit ang Santo Papa ay nagsalita na ipinagbabawal ng Panginoon ang parusang kamatayan o pagpatay sa kapwa,” giit ni Sen. Bam.

Ngunit, kakaiba ang pananaw ni Pacquiao sa kanyang interpretasyon sa salita ng Diyos partikular sa Romans 13:1-7 na nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na ipataw ang parusang kamatayan.

“Basahin natin ang Bibliya na ang awtoridad, ibig sabihin ang awtoridad, ang gobyerno. Binigyan ang awtoridad ng kapangyarihan na ipataw ang death penalty dahil nilikha ng Diyos ang awtoridad at instituted by God,” giit ni Pacquiao.

Partikular na tinukoy ni Pacquiao ang Romans 13:4 na nagsasabing ipapataw ang death penalty ng awtoridad sa mga taong nagkasala.

Base sa Bibliya, nakasaad sa bersikulo:  “For the one in authority is God’s servant for your good. But if you do wrong, be afraid, for rulers do not bear the sword for no reason.”

“‘Pag sinabing sword, papaluin ka ng sword. Ang dating, pag sinabi mong sword, pupugutan ng ulo nung panahon nila,” paliwanag ni Pacquiao.

Ngunit, iginiit ni Sen. Bam na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya upang mapigilang makalusot ang death penalty sa Senado. Ernie Reyes