Sahod ng guro, bibigyang proteksiyon ng Senado

Sahod ng guro, bibigyang proteksiyon ng Senado

October 9, 2018 @ 7:11 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Sakaling maisabatas, titiyakin ng Senado na protektado ang sahod ng mga guro sa pribado at pampublikong sector base sa panukalang inihain ni Senador Bam Aquino kahapon.

Sa pahayag, sinabi ni Sen Aquino na nagsumite siya ng dalawang   panukala para sa kapakanan ng mga Pilipinong guro at kilalanin ang kanilang papel sa pag-unlad ng bansa.

“Ang mga panukalang ito ay pagkilala sa halaga ng ating mga guro sa pagpapalago ng kaalaman ng mga Pilipino,” wika ni Sen. Bam, principal sponsor ng batas para sa libreng kolehiyo.

“Dedicated kay Lola Vicky at Lolo Dondoy ang mga panukalang ito. Para ito sa lahat ng mga teacher na piniling ilaan ang kanilang buhay sa edukasyon para tulungan ang kabataan,” dagdag ni Sen. Bam, na tinutukoy ang kanyang lolo’t lola na sina Dondoy at Vicky Aguirre, na tumulong sa pagtatag ng University of Mindanao sa Davao at nagtrabaho bilang guro hanggang magretiro.

Noong Lunes, inihain ni Sen. Bam ang Senate Bill No. 2057 o ang Teachers Compensation and Support Act of 2018 at Senate Bill No. 2058 o ang National Teachers Day Act.

Layon ng Senate Bill No. 2057 na tiyaking tama ang suweldo at siguruhin ang tamang kondisyon sa pagtatrabaho para sa mga guro sa pribado at pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng panukala, lilikhain ang isang Private School Teachers Salary Subsidy (PSTSS), na titiyak na ang suweldo ng kuwalipikadong guro mula sa pribadong paaralan ay patas sa natatangap ng public school teachers. Uunahin ng PSTSS ang mga guro sa pribadong paaralan na may estudyante mula sa pamilyang mababa ang kita.

Bibigyan din ang mga guro ng libreng legal assistance at counselling services at tulong pinasiyal sa mga guro na nais magpatuloy ng pag-aaral ngunit hindi sapat ang kinikita.

Ang Teachers Compensation and Support Act ay suportado ng iba’t ibang organisasyon, tulad ng Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), National Alliance of Private Schools Philippines, Inc. (NAPSPHIL), at ng PEAC-Fund Assistance to Private Education (PEAC-FAPE).

Sa tulong ng Teachers Dignity Coalition, inihain ni Sen. Bam ang Senate Bill No. 2058 na gagawin ang Oct. 5 bilang non-working holiday na may suweldo para sa lahat ng guro.

Nakapagpasa na si Sen. Bam ng 27 batas, kabilang ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act na ginawang libre ang pag-aaral sa pampublikong unibersidad at kolehiyo. Ernie Reyes