Sahod sa siyam na Rehiyon, tataas! – DOLE

Sahod sa siyam na Rehiyon, tataas! – DOLE

July 22, 2018 @ 2:25 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Inianunsyo kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makatatanggap ng umento sa kanilang daily minimum wages ang mga manggagawa mula sa siyam na rehiyon sa bansa, na ang wage orders ay nakaabot na ng anniversary dates hanggang nitong Hulyo 2018.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, batay sa ipinalabas na bagong wage orders ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) , kabilang sa mga makakatanggap ng wage increase ay ang Region III na may P20 daily increase, na magiging epektibo sa Agosto 1.

May P9.45 daily increase naman ang Region IVA na naging epektibo na noon pang Abril 28; habang ang Region VI naman ay may P8.50-P26.50 daily increase at P5-P15 COLA, na epektibo nito lamang Hulyo 12.

Ang iba pang rehiyon na may bago ring wage orders ay ang Region VIII, na may P20-P30 daily increase, na inimplementa noong Hunyo 25; Region XII na may P16-P18 daily increase, at epektibo noong Mayo 11; at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may P15 daily increase sa basic pay ng mga manggagawa.

Mayroon din namang bagong wage orders, na nakatakda pa lang i-publish at magiging epektibo ngayong Hulyo at Agosto, ang Region VII na may P10-P52 daily increase; Region IX na may P20 daily increase; at Region XI na may P56.43 increase sa daily pay ng mga manggagawa.

Samantala, inaasahan ring magpapalabas na ng bagong wage orders ngayong buwang ito ang RTWPBs sa Cordillera Administrative Region at Region V, sa sandaling maabot na ng dati nilang wage orders ang kanilang anniversary dates.

Kasalukuyan naman nang pinag-aaralan ng mga RTWPBs sa natitira pang rehiyon, kabilang ang National Capital Region, Regions I, II, IVB, at CARAGA, ang socio-economic conditions sa kani-kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga concerned government agencies at stakeholders sa pribadong sector, upang matukoy kung magkano ang itataas sa sahod ng mga manggagawa sa mga naturang lugar, sa sandaling maabot na ng dating wage orders ang anniversary dates ng mga ito.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Bello na ang daily minimum wage adjustments sa mga rehiyon ay maaaring magkaiba-iba depende sa rekomendasyon ng nakakasakop na RTWPB doon.

Alinsunod sa Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act, bawat rrehiyon sa Pilipinas ay may unique minimum wage na itinatakda ng RTWPBs, batay sa poverty threshold, employment rate, at cost of living sa ispesipikong rehiyon.  Macs Borja