Sakay ng palutang-lutang na bangka sa Borneo sinagip ng PH, Malaysia

Sakay ng palutang-lutang na bangka sa Borneo sinagip ng PH, Malaysia

December 4, 2022 @ 4:44 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinagip ng Philippine Navy sa pakikipag-tulungan sa Maritime Command Center (MCC) sa Tawi-Tawi at Malaysian counterpart na MCC-Tawau 27 pasahero ng isang Philippine-flagged wooden-hulled vessel na apat na araw nang palutang-lutang sa dagat na sakop ng Borneo.

Ayon kay Lt. Senior Grade Chester Ross Cabaltera, Naval Forces Western Mindanao (NFWM) information officer, sinabi nitong Sabado, Disyembre 3 na sinagip ng BRP-Florencio Iñigo ang M/L Laiza 1 na may sakay na 12-man crew at 15 pasahero nitong Miyerkules, Nobyembre 30 sa dagat na sakop ng North Borneo.

Ayon kay Cabaltera, umalis ng Bongao, Tawi-Tawi ang M/L Laiza 1, noong Nobyembre 26 patungo sa munisipalidad ng Turtle Island nang makaranas ng aberya sa makina nito at hindi makarating sa destinasyon.

“The missing report emanated from PCG (Philippine Coast Guard) Sub-station Bongao and subsequently forwarded to MCC Tawi-Tawi, who coordinated to MCC Tawau,” ani Cabaltera.

Dahil dito ay agad na ikinasa ang joint search and rescue operation ng munisipalidad ng Turtle Island at iba pang law enforcement agencies ngunit bigo pa rin na matunton ang bangka.

Ilang araw pa ay matagumpay na natunton ng MCC-Tawau ang M/L Laiza 1 noong Nobyembre 30 na agad namang naiparating sa MCC Tawi-Tawi upang papuntahin ng Naval Task Group (NTG)-Tawi-Tawi ang BRP-Iñigo.

Makalipas nito ay isinakay na ng BRP-Inigo ang mga crew at pasahero at agad na binigyan ng pagkain, maiinom, kaukulang medikal na atensyon bago nai-turn over sa provincial government ng Tawi-Tawi.

Lubos naman ang pasasalamat ng pamilya ng mga nasagip sa Navy at iba pang security forces sa matagumpay na paghanap sa nawawalang bangka.

“We are glad that our friends from MCC-Tawau are always ready to assist us in such events and the safe recovery was a result of the working Trilateral Cooperative Arrangement (TCA) with the Indonesia, Malaysia and the Philippines,” sinabi ni Brig. Gen. Romeo Racadio, 2nd Marine Brigade at NTG-Tawi-Tawi commander.

Matatandaan na ang Pilipinas, Malaysia at Indonesia ay pumirma ng TCA na nagtatatag ng MCC na magsisilbing security posts upang bantayan ang mga barko at bangka na dumadaan sa border ng tatlong bansa. RNT/JGC