Sa’kin kriminal, Putin pumapatay ng sibilyan – PDu30

Sa’kin kriminal, Putin pumapatay ng sibilyan – PDu30

March 18, 2022 @ 12:48 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Pinanindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang posisyon na haharap lamang siya sa Philippine court para sa diumano’y “crimes against humanity” na nangyari sa panahon ng giyera laban sa illegal na droga ng gobyerno.

Sa naging talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpapasinaya ng bagong Leyte provincial capitol sa Palo, sinabi nito na mga kriminal naman ang kanyang napatay sa kanyang anti-drugs campaign, kumpara kay Russian President Vladimir Putin, na aniya’y pawang sibilyan ang pinatay sa gitna ng pag-atake ng Russia sa Ukraine.

Sinabi pa ng Pangulo na mananatiling neutral ang Pilipinas sa labanan ng Russia at Ukraine.

Aniya pa, sa huli ay gagawa naman siya ng kanyang magiging posisyon sa usapin. Sinabi ni Pangulong Duterte na si Putin ay “suicidal”.

Umaasa aniya siya na ang tumataas na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine ay hindi mauuwi sa nuclear war dahil tiyak na maaapektuhan ang buong mundo.

“Kaibigan ko si Putin. He is a personal friend. Dalawang beses na ako nagpunta ng Russia. Inimbita kaming ASEAN leaders sa Amerika. Sabi ko, kailan? Sa March 28. Ni minsan, ni minsan hindi ako pumunta ng Amerika. Human rights, human rights. Si Putin, pinapatay pati civilian doon. Ako? Sino ba pinatay ko? Pinatay ko puro kriminal. Bakit ko pinatay? Sa droga,” ayon sa Pangulo sa pinaghalong Bisaya at Tagalog.

Maraming indibidwal na napatay sa war on drugs ng administrasyon ang hindi dumaan sa due process, napatay sa police operations para sa di umano’y paglaban ng suspek sa pulisya.

Sa official tally ng administrasyon, pumalo sa mahigit 6,000 ang mga namatay dahil sa drug war subalit para sa rights groups, ang aktuwal na numero ay mas mataas pa.

“Sisirain mo ang bayan ko, that’s the problem. Lahat ng anak natin kung makita and the things that they do horrible, pupugutan ng ulo yung asawa, ni-rape ang anak at papatayin tapos itatago sa imburnal. Ang resulta tapos itong human rights pati ICC [International Criminal Court Office], international court, bakit ako mag-international court? Hindi naman ako international, local lang ako eh,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.

Muling iginiit nito na tanging sa Philippine court lamang siya haharap at kung mahahatulan, mas pipiliin niya ang makulong sa Muntinlupa.

“I am Filipino. If I am accused of something it must be within the jurisdiction of the Philippines. If I am tried it should be before a Filipino judge and ang prosecutor must be a Filipino like me… kung makulong man ako sa Muntinlupa, magpapatayan kami doon,” ayon kay Pangulong Duterte.

Sa ulat, Nobyembre ng nakaraang taon, pansamantalang sinuspinde ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon laban sa crime against humanity ng war on drugs ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Ito ay matapos sumulat si Philippine Ambassador to the Netherlands Eduardo Malaya kay ICC Prosecutor Karim Khan na humihiling na itigil na ang imbestigasyon.

Paliwanag ni Khan, hindi muna sila magsasagawa ng imbestigasyon habang pinag-aaralan ang lawak at epekto ng nasabing sulat.

Gayunman, patuloy pa rin aniya nilang susuriin ang mga impormasyong hawak na nila.

Una nang sinabi ni Malaya sa kaniyang liham na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang ating otoridad kaugnay ng anti-narcotic operations sa bansa, alinsunod sa mga nauugnay na pamamaraan. Kris Jose