SAKIT NA DULOT NG PESTENG LANGAW SA BAGAC, BATAAN INIREKLAMO

SAKIT NA DULOT NG PESTENG LANGAW SA BAGAC, BATAAN INIREKLAMO

July 11, 2021 @ 6:57 PM 1 year ago


Kitang-kita ang perwisyong kinasasadlakan ng mga residente ng Sitio Kamaliw, Brgy. Binukawan, Bagac, Bataan na kinatatayuan ng Empress Poultry Farm.

Itinuturo ang farm na dahilan ng pagkakasakit ng marami at pagkalason ng kaisa-isa nilang sapa na noo’y dinadaluyan ng dalisay na tubig.

Sa liham ng mga residente ng Sitio Kamaliw, hiling nila ang agaran at permanenteng pagpapasara ng dambuhalang poultry farm na umano’y pag-aari ng kaibigan ng mataas ng opisyal ng nasabing lokalidad.

Heto po ang kanilang reklamo sa pesteng langaw mula sa Empress Poultry Farm na halos kulambuan ang buong Sitio Kamaliw.

Bukod sa naglipanang langaw, maging ang sapang dati-rati’y anim na metro ang lawak, ngayon ay mistulang kanal na lamang dala ng pagtatapon ng dumi ng libo-libong manok na kanilang pinalalaki at kinakatay sa takdang panahon.

Naipasara na ito noong 2018 ng Department of Environment and Natural Resources makaraang makitaan ng sandamakmak na paglabag sa mga umiiral na batas patungkol sa Clean Water Act, National Zonal Code, National Sanitation Code, kakulangan ng mga permiso sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, at iba pang umiiral na reglamentong sakop ng kalusugan.

Sa kung anong pamamaraan mayroon ang may-ari, nakuha nitong muling makapag-operate matapos lang ang ilang buwan ng pagpapahupa ng galit ng mga residente.

Kaya muling nagdurusa ang hindi bababa sa 2,000 residente.

Batay sa mga dokumento, napag-alaman na tumangging dinggin ng lokal na pamahalaan ang kanilang hinaing.

Baaaaakkkkit?

Bakit nga naman nila nanaising dinggin ang reklamo laban sa negosyanteng lubos na nagpapalobo sa kanilang mga bulsa? He..he..he..he.

Siyempre ikaw na ang magkaroon ng world-class na resort gaya ng isang mataas na opisyal ng nasabing bayan (‘yun naman pala. He..he..he!)

Biruin mo isang hotel resort ang naipundar niya galing sa may-a-ri ng Empress Poultry Farm kapalit ang pagbubulag-bulagan nito kahit napeperwisyo ang mga botante na bumoto sa kanya kaya siya nakaupo sa puwesto.

MGA SUGAPANG ENGKARGADO

Sino itong mga sugapang engkargadong pulis na alyas Totoy Lupa at nasibak na pulis na alyas Sgt. Mandap na nagpapakilalang sila ang engkargado sa pagkuha ng weekly collection sa mga iligal na pasugalan, vendor, sidecar at iba pa ni Manila Police DD P/BGen Leo Francisco?

Alam ba ninyo, mga tol, napakatindi nitong si Totoy Lupa kung mangotong sa mga iligalista. Humihingi pa ito ng advance sa kanilang kinokotongan bukod sa linggo-linggong hirit.

Sa tuwing mangongotong si Totoy Lupa, binabanggit sa mga biktima niya na may okasyon daw si DD. Halos umiiyak na ang mga GL sa kanila.

PAGING: MPD DD P/BGen. Francisco, aba’y medyo tabas-tabasan mo naman ang mga sungay ng inyong “kalabaw” baka hindi ninyo alam sa susunod ay magulat na lang kayo.

Pati ang mga kamag-anak ninyong may mga sugalan ginagatasan na rin ng nagpapakilalang engkargado ninyo.

(May karugtong)

o0o

Anomang puna o reklamo o puna, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]