Sakripisyo ni PSC Chairman Ramirez sa PATAFA vs Obiena issue, nagbunga

Sakripisyo ni PSC Chairman Ramirez sa PATAFA vs Obiena issue, nagbunga

April 5, 2022 @ 3:15 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Nagbunga ang hindi matatawarang pasensiya ni Philippines Sports Commission (PSC)  Chairman William “Butch” Ramirez na naging dahilan upang matapos na ang mainit na hidwaan sa pagitan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at Olympian pole vaulter Ernest John Obiena.

Naging national interest pa ang  problema nina Obiena at PATAFA head Philip Juico  kung saan umabot pa ito sa Senado dahil tila hindi na masosolusyunan ang isyu.

Dito na pumasok ang PSC at pinangunahan ni Ramirez ang ginawang kauna-unahang mediation process para solusyunan ang namuong malalim sugat sa problema sa pagitan nina world no. 5 pole vaulter Obiena at ng PATAFA.

Isa ang ginawang matagumpay na mediation sa napakaganda at kapuri-puring accomplishment ni Ramirez at ng ahensiya sa kasaysayan ng PSC.

Matatandaang marami ang nabahala sa isyu dahil baka magaya na naman ito sa naging problema noon ni chess supertar Wesley So kung saan nagdesisyon itong lumipat sa ibang bansa o sa US upang doon na makapaglaro at maiwasan ang matinding pulitika sa sports sa bansa.

Ayon kay Ramirez, na nagsilbing kaisa-isang mediator sa ginawang paglilitis, nagpapasalamat siya sa ipinakitang magandang kooperasyon ng magkabilang panig at ang kaiga-gayang palitan ng impormasyon ng dalawang sangkot sa problema.

Sinuportahan si Ramirez  nina PSC Executive Director Atty. Guillermo B. Iroy, Jr., Office of the Solicitor General’s ASG Bernard Hernandez, Philippine Dispute Resolution Center Inc. (PDRCI) Executive Director Atty. Arleo Magtibay, PDRCI Board Member at Chairman ng PDRCI Sports Arbitration Committee na si Atty. Charlie Ho sa ginawang mediation.

“It is a learning experience for all. For us in the PSC, this experience is historical because it is our first-ever foray into sports mediation, and it showed us areas where we can craft policies for improvement,” ayon kay Ramirez.

Saludo rin ang mga sumubaybay sa isyu sa naging suporta at sakripisyo ng OSG at PDRCI sa makasaysayang mediation kung saan tumulong ang mga ito sa proseso at maayos nilang binantayan at hinimay ang bawat problema.

Nagresulta ang matagumpay na mediation sa pagkatanggal ng ipinataw  ng POC na  persona non grata kay Juico at pagkasuspinde ng PATAFA bilang NSA.

Sa bahagi naman ng PATAFA , agad na ibinalik si Obiena sa roster ng pambansang koponan at inindorso na ang atleta upang makalahok sa mga internasyonal na kompetisyon kabilang ang paparating na Southeast Asian Games at Asian Games.Rico Navarro