SALBAHENG PULIS SA DIVISORIA 

SALBAHENG PULIS SA DIVISORIA 

October 19, 2022 @ 1:14 AM 2 months ago


PALAGING ipinaaalala ng sino mang nagiging pinuno ng Philippine National Police sa lahat ng tauhan ng pulisya na maging magalang at matulungin sa taumbayan.

At lagi rin, ang mga pulis ang tagapagprotekta dapat ng sambayanan.
Kaya nga ang motto ng PNP ay “to serve and protect”. Malinaw na malinaw ‘yan.
Pero sadyang may mga tauhan ang PNP na magagaspang ang ugali.
Akala mo mga hoodlum sa iskuwater area.
Halimbawa itong isang pulis na umaaligid diyan sa kanto ng C.M. Recto at Rivera sa Divisoria.
Bastos at walang respeto sa kapwa ang mamang pulis na ito na alyas ‘Nang’.
Minumura ng maraming vendors at jeepneyndrivers ang “Nang” na pulis na yan kasi’y siga-siga ang kanyang asta.
Minsan, may isa jeepney na pinara na puno ng sakay na pasahero ang nasabing pulis.
Pinatabi ang jeepney at pinababa ang mga pasahero. Ang mga pobreng pasahero na madaling-madali pa naman dahil papasok pa sa trabaho ay napilitang sumakay sa ibang jeep.

Dahil rush hour, hindi ganoon kadali sumakay uli ng jeep. Sa madaling salita, perhuwisyo ang inabot ng mga pasahero sa buwisit na pulis.

Nilapitan ng pulis na “nang ina” ang driver ng pinarang jeep at kinuha ang lisensiya. Nagtanong ang driver ng jeep kung ano ang kanyang violation. Hindi sumagot ang salbaheng pulis.

Takang-taka ang driver kaya para huwag nang maabala, sinabi niya sa pulis na tiketan na lang siya kung ano man ang kanyang paglabag.

Hayun, ang kumag na pulis na nanghuhuli ng mga jeep, wala palang paniket.

Mistula tuloy asong bubuntot-buntot sa kanya ang pobreng driver habang nakikiusap na isoli na ang kanyang lisensiya.

Tumagal nang higit isang oras bago naisoli ng sutil na pulis ang lisensiya ng driver. Sobrang laking perhuwisyo ang ginawa ni pulis sa mga pasahero at driver.

Hindi malaman kung naghihintay ng areglo o nagpa-power trip lang itong pulis na si “Nang ina!”

Ganyan daw lagi ang pulis na ‘yan sa Divisoria. Marami na ang nagagalit sa kanya. Hindi lang siya “magalaw” dahil nirerespeto ang kanyang uniporme.

Kabaligtaran naman niya na wala na yatang respeto at paggalang sa kanyang baro.

Dapat sigurong ibalik sa eskuwelahan o sa training itong si pulis para turuan ng magandang asal kung paano makitungo nang maayos sa mga taong dapat ay kanyang pinoprotektaha.

O kung hindi naman, sibakin na lang siya lalo’t maraming nakahanay diyan na batang pulis na nais maglingkod nang totoo sa bayan.