Salceda: 2023 NEP ni PBBM may laang pinamalaking badyet sa tren

Salceda: 2023 NEP ni PBBM may laang pinamalaking badyet sa tren

August 29, 2022 @ 8:04 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng isang kongresista na ang 2023 panukalang P5.268 trilyong ‘National Expenditure Program’ (NEP) ni Pangulong Marcos ay may laang pinakamalaking badyet sa tren, P113.99 bilyon o halos limang beses kumpara sa P23.12 bilyon lamang ngayong 2022.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na sa ilalim ng panukalang 2023 NEP, na isinumite sa Kamara nitong nakaraang linggo, ‘idinedeklara ni Pangulong Marcos na balik na ang tren bilang mahalagang transportasyon at inihudyat na niya ang pasimula sa programang “Build Better More.”

Bilang pangunahing may-akda ng ‘House Resolution’ na pormal na nagsusulong sa ‘infrastructure spending targets’ at nagbigay dito ng pangalang “Build Better More” (BBM), ani Salceda na hudyat din ito na sadyang itinutulak ni Pangulong Marcos ang ‘national backbone projects,’ ang pamanang mga imprastraktura sa mga rehiyon at lalawigan ni dating Pangulong Duterte na may bilang na 20,000.

Pinuna ni Salceda na habang ang estratehiya ni PRRD ay ilipat sa mga lalawigan ang yaman ng bansa, ang kay PBBM naman ay gawing lalong kapaki-pakinabang ang mga ito sa pamamagitan ng mabisang pag-uugnay sa kanila ng lalong pinalawak sa saklaw ng mga riles at tren.

“Tumitingkad ang imahen ni Pangulong Marcos bilang ‘Big Ticket Project President,’ kaugnay lalo na sa malalaking proyektong tren gaya ng isinasaad sa 2023 NEP kung saan P113.99 bilyon ang laang badyet para dito,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ni Salceda na ang malaking bahagi ng P380-bilyong ‘unprogrammed appropriations’ para sa mga proyektong may ayuda mula sa ibang bansa ay manggagaling sa mga pondong hiram para sa mga proyektong tren. Sa ilalim ng NEP tinatantiya itong aabot sa P108 bilyon.

Pinuna din ng mambabatas ng Albay na tila malaki ang tiwala ng administrasyon na matatanggap ang pondong hiram na puhunan para sa mga proyektong tren, gaya ng ‘Bicol Railway’ na muling pinag-uusapan na ng pamahalaan at China, kaya madali itong mapasimulan agad sa sandaling mapagkasunduan na.

“Pinakamalaki ang badyet para sa mga proyektong tren sa ilalim ng panukalang 2023 NEP, kumpara sa lahat ng naging pangulo ng bansa kaya maituturing na ‘Railways President’ si Pangulong Marcos, at kung ito’y tuloy-tuloy na, magiging ‘President of the Golden Age of Trains’ sa bansa si PBBM,” dagdag niya.

Ayon kay Salceda, ang panukalang 2023 badyet ay “tiyak na magpapasimula na sa paggulong ng ‘Build Better More era,’ at ang tren ay tiyak din na pinaka-murang sistema ng transportasyong panglupa bawat kilometro, para sa mga tao man o kargada, at maliwanag na marami nito ang gusto ng Pangulo.”

“Kumpara sa mga kalrsada, mahabang hindi hamak ang haba ng mga riles, kaya maliwanag din na gusto ni PBBM ang riles at tren bilang ‘national transport backbone’ na lalong magpapalago sa negosyo sa pagitan ng mga rehiyon,” dagdag niyang paliwanag.

Pinasalamatan ni Salceda si Transportation Secretary Jaime Bautista sa “pagpapanatili niya sa ‘Bicol Rail’ sa adyenda ng DOTr,” at umapila din siya kay Finance Secretary Ben Diokno na “patuloy niyang isulong ang ‘Bicol Rail loans.’”

“Ipinakiusap ko kay Secretary Diokno na ituloy ang ‘Bicol Rail loans’ at ang buong ‘PNR South Long Haul project.’ Sa tingin ko, ang malaking ‘unprogrammed appropriations for loan proceeds’ ay pahiwatig na umaasa ang administrasyon na matatapos ang mga negosasiyon ngayong taon at matatanggap sa susunod na taon ang mga pundong puhunan para sa mga proyekto,” sabi niya.

Sinabi rin ni Salceda na nakikipag-ugnayan siya sa DOTr para sa pagtatatag ng Legazpi-Daraga Tramway, na ang gagamitin ay ang dating riles ng PNR na tumatagos sa bayan ng Daraga at Lungsod ng Legazpi, at natutuwa siya na nais pasimulan agad ng ahensiya ang pag-aaral tungkol sa proyekto.

“Kasama ng ‘backbone Bicol Rail,’ naniniwala ako sa kahalagahan ng maliliit na mga ‘metro-wide rail systems’ gaya ng Legazpi-Daraga Tramway na maaaring maging bahagi ng ‘Infrastructure Preparation and Innovation Facility’ ng DOTr.” patapos niyang pahayag. RNT