Salceda bagong tserman ng MUP super-committee ng Kamara

Salceda bagong tserman ng MUP super-committee ng Kamara

June 2, 2021 @ 1:22 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Inihalal si Albay Rep. Joey Salceda bilang ‘chairman’ ng ‘ad hoc super committee’ ng Kamara na naatasang balangkasin at repormahin ang ‘Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension System’ ng pamahalaan.

 

Sa ngayon, may P9.6 Trilyon ‘unfunded deficit’ na ang MUP pension system na ayon kay Salceda ay tiyak na hindi masusustenihan at magiging katumbas ng 66% ng tinatayang ‘target deficit’ ng bansa sa taong 2035.

 

Si Salceda ang chairman ng House Ways and Means Committee.

Bukod sa naturang komite, kasama rin sa ‘MUP super committee’ ang mga komite ng Kamara sa ‘Government Enterprises, Defense, Public Order and Appropriations. Kaagad magpupulong ang ‘super committee’ sa Mayo 31.

 

Saklaw ng mandato nito ang mga usapin kaugnay sa MUP pension system na kapapalooban ng pondo para sa pensiyon, ang mga pagkukunan nito, pangangasiwa ng pondo, nga benipisyo ng mga pensiyonado at ambag ng mga nasa aktibong serbisyo na ngayon ay wala.

 

Inihain ni Salceda sa Kamara kamakailan ang kanyang HB 9271, ang ‘Saving the MUP Pension Act, na siyang nagbigay pansin sa problema ng mga nasa unipormado serbisyo.

 

Sa naturang panukala, sinabi niyang nahaharap sa “total fiscal collapse” ang programa ng pensiyon kung hindi agad ito mare-remedyuhan.

 

Ang pangunahing dahilan kung bakit P9.6 trilyon na ang “unfunded reserve deficit” ay ang kawalan ng kontribusyon ng mga nasa unipormadong serbisyo sa sarili nilang pondong pensiyon, hindi kagaya ng mga sibilyan nilang katapat.

 

Lalong lumala ang problema nang biglang taasan ang mga sahod ng mga kasundaluhan at kapulisan noong 2018.

 

Pinuna ni Salceda na mula noong 2018, ang gastos sa MUP pensiyon ay humigit sa MOOE o “maintenance and other operating expenses” ng PNP at AFP, na ang ibig sabihin ay higit na malaki ang gastos sa mga retirado kaysa mga nasa aktibong serbisyo.

 

“Ang isyu rito ay hindi kung karapat-dapat ba sa kanilang pensiyon ang mga unipormadong pensiyunado, dahil lahat namang nagserbisyo sa bansa ay karapat-dapat. Ang isyu ay paano kung wala nang maipa-pensiyon sa kanila sa hinaharap, at ipapasahod sa mga nasa aktibong serbisyo. Hindi rin dapat mabawasan ang kanilang mga benipisyo, kaya kailangan repormahin ang sistema,” giit ni Salceda.

 

Sa ilalim ng “Joint Resolution No. 1, s. 2018,’ kung saan halos nadoble ang mga sahod ng mga sundalo at pulis, nakasaad ding dapat ang kaukulang mga hakbang para maging makatotohanan ang naturang dagdag sahod.

 

Ayon kay Salceda, bahagi ang panganib sa buhay ng mga nagpu-pulis at nagsu-sundalo kaya sadyang kailangan din nila ang mga benipisyo kung nasasaktan o nasasawi sa linya ng serbisyo. RNT