Salceda: Mga mayayaman buwisan sa malalaking lupain, pag-aari, sobrang paggastos

Salceda: Mga mayayaman buwisan sa malalaking lupain, pag-aari, sobrang paggastos

August 1, 2022 @ 12:39 PM 2 weeks ago


IPINANUKALA ng isang kilalang kongresista na dapat pagbuwisin ang mga mayayaman na may malalaking mga lupain at ari-arian na naaayon sa Saligang Batas upang makaipon ng salapi ang bansa para sa serbisyo publiko nito.

Ang nasabing panukala ay nagmula kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda. Ipinaliwanag niyang malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na ang sistema sa pagbuwis ay dapat progresibo na ang ibig sabihin ay higit na malaki dapat ang binabayarang buwis ng mayayaman.

Mananatiing chairman si Salceda ng ‘tax panel’ ng Kamara kung saan sinabi nito na ang pinakamakatwirang pagbubuwis ng mayayaman ay sa pamamagitan ng kanilang hindi gumagalaw na yaman gaya ng mga lupain, at maluhong paggastos sa mamahaling mga bilihin.

Sinabi niyang malapit na niyang ihain ang ganitong klaseng panukalang batas sa Kamara. Marami na siyang binalangkas na mahahalagang panukala sa pagbubuwis na mga batas na ngayon, gaya ng ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 1 and 2’ at ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE).’

Inakda rin ni Salceda ang ilang iba pang panukalang batas na nakabinbin pa sa Kamara na ang karamihan ay idineklara ni Pangulong Marcos na ‘priority measures’ sa kanyang unang ‘State of the Nation Address (SONA)’ nitong nakaraang ika-25 ng Hulyo.

“Ang pinakamabisang paraan sa pagsingil ng buwis sa mayayaman ay sa pamamagitan ng mga lupang yaman at sobrang maluhong paggastos. Kailangan lang na matukoy natin ang wastong paraan upang malaman ang tunay na halaga ng kanilang mga ari-arian sa ilalim ng ‘Real Property Valuation and Assessment Reform Act’ at balansihin natin ang epekto sa may-ari ng maliliit na lupa,” diin niya.

Ayon kay Salceda, magpapanukala din siya ng mga pagbabago sa naturang batas para hindi maging mabigat ito sa may-ari ng mga sakahing lupa sa tamang panahon.

“Ipapanukaa ko rin ang mga insentibo sa mamahaling mga lupain dahil nga mahal ang buwis na babayaran nila dito,” dagdag niya. “Tungkol naman sa buwis sa sobrang maluhong paggastos, kailangang dagdagan ang lista ng mga hindi naman gaanong mahalagang mga bilihin sa ilalim ng Section 50 ng Tax Code gaya ng mamahaling mga relos, bags at mga pampaganda, na maaari nating itaas ang buwis sa 25% mula 20%,” dagdag niyang paliwanag.

Tinantiya ni Salceda na ang merkado ng mga mamahaling bilihin sa Pilipinas ay nagkakahalaga ng P71 billion, na maaaring panggalingan ng mga P12 milyon hanggang P18 milyong buwis para sa gubiyerno.

“Tinitingnan no rin ang pagtanggal sa “’excise tax exemption’ sa mga ‘pickup’ na trak at ang tawad na buwis sa mga mamahaling ‘hybrid cars,’ dagdag ng kongresista.

Kaugnay naman sa kita, sinabi ni Salceda na isang kilalang ekonomista, na maaaring babaan ang ‘top marginal tax rate’ sa 40% ng mga kumikita ng mahigit P15 isang taon, ngunit dahil madali imanipula ang kita sa ‘stock options and other non-cash methods,’ naniniwala ang kongresista na hindi kapaki-pakinabang na paraan ito.

Sinabi rin niyang tila hindi mabisa ang pagpataw ng buwis sa pera ng mayayaman dahil ito’y pagpapataw ng buwis sa pupuhunanin na hindi dapat dahil ang puhunan ang lumilikha ng mga trabaho at nagagamit sa mga pribadong imprastraktura at serbisyo na makakaapekto sa ekonomiya.

Matagal na ang panawagan ni Salceda sa mga mambabatas na dagdagan ang pataw na buwis sa mayayaman. Sa isang naunang panayam, sinabi niyang lalong yumaman ang mayayaman sa panahon ng pandemya at karaniwang pangyayari ito batay sa isang pag-aaral sa nakaraang pandemya sa pagitan ng 2003 at 2016. RNT