Salceda: PPP Act, tugon sa P7.3T kulang na pondong puhunan sa imprastraktura

Salceda: PPP Act, tugon sa P7.3T kulang na pondong puhunan sa imprastraktura

December 22, 2022 @ 6:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naipasa na ng Kamara noong ika-12 ng Disyembre ang panukalang ‘Public-Private Partnership (PPP) Act’ na inaasahang magiging mabisang tugon sa P7.3 trilyong kakulangang pondong puhunan sa mga imprastraktura ng bansa.

Ayon kay ‘House Ways and Means chairman’ Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district), na siyang pangunahing may-akda ng panukalang batas, at ‘technical working group chair’ ng PPP Act, higit kailanman, sadyang kailangan ang PPP ngayon.

Pinagtibay ito ng Kamara noong ika-12 ng Disyembre sa botong 254 laban sa tatatlong kontrang boto.

Layunin ng PPP Act (HB6527) na lumikha ng isang sistema kung saan mahusay at mabisang maisusulong ang pagtutlungan ng pribadong sektor at pamahalaan sa paggawa ng malalaki at mahahalagang mga impraestraktura at katulad nitong mga proyektong pangkaunlaran.

Sa ilalim ng panukala, malinaw na sinasabing ang PPP ay malayang kasunduan sa pagitan ng nakatalagang ahensiya ng gobyerno at ng pribadong kumpanyang nagpapapanukala tungkol sa pagpondo, pagdisenyo, paggawa, pangangasiwa at pangangalaga, o kumbinasyon ng mga naturan, kaugnay sa pangkaunlarang mga proyekto na karaniwang gubiyerno lamang ang nangangasiwa, at kung saan magkatulong ding tutugunan ng pamahalaan at kabalikat nitong mga pribadong kumpanya ang mga hamon ng proyekto.

“Katumbas ng 62.1 porsiyento ng ‘Gross Domestic Product’ (GDP) ang utang ng pambansang pamahalaan natin ngayon, at inaasahan itong mananatili sa mga 52% sa katapusan ng termino ng Pangulong Marcos. Ang pagpapatupad naman sa desisyon ng hukuman kaugnay sa kasong Mandanas-Garcia ay lalo pang nagpasikip sa laya pamahalaan sa pananalapi,” puna ni Salceda,

Isa ang PPP Act sa mga prayoridad na dapat isabatas na ipinahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang unang ‘State of the Nation Address.’

Sa mga datos mula sa ‘G20 Global Infrastructure Outlook,’ sinasabing kailangan ng Pilipinas ang US$559 bilyon para punduhan ang sadyang kailangang mga impraestraktura hanggang 2040 upang matupad ng bansa ang mga ‘Sustainable Development Goals’ nito.

“May mabubuting mga kaganapan naman na nagbibigay ng pag-asang makakalikom tayo ng mga US$429 bilyon, kaya mapapababa din ang kakulangan natin sa US$131 billion, ngunit katumbas pa rin ito ng P7.3 trilyong kakulangan sa pundong puhunan sa mga imprastraktura para magkaroon ng kaganapan ang ating ‘Sustainable Development Goals,’” ayon sa mambabatas.

Tiniyak ni Salceda na hindi kaya ng pamahalaan na makalikom ng P1.047 trilyon taon-taon mula sa mga buwis lamang.

Pinuna ni Salceda na noong 2021 ay umabot sa P585 bilyon ang kabuuang pinuhunan ng malalaking pribadong kumpanya sa mga proyektong imprastrakturang pampubliko bilang kabalikat ng pamahalaan. Mayroon mga P27.2 trilyong ding mapapakilos ng pamahalaan mula sa pananalaping sistema ng bansa.

Ayon sa mambabatas, kasama sa mga tampok na adhikaing nakapaloob sa HB6527 ang mga sumusunod: 1) gawing pormal at institusyunal ang ‘PPP project pipeline;’ 2) maliwanag ang kapulungang mag-aapruba sa bawat proyektong PPP; 3) maliwanag at malinaw kung ano ang mga panukalang proyektong ‘solicited’ at ‘unsolicited’ at ang mga gabay na panuntunan kaugnay ng mga ito; 4) malinaw at matibay na mga panuntunan lalo na sa mga proyektong ‘unsolicited;’ 5) higit na matibay na mga gabay at patas na panuntunan sa pagtakda ng mga kumpanyang hahawak ng mga proyekto; 6) Maliwanag na mga panuntunan sa mga proyektong ‘joint ventures’ para tiyak na patas ang mga pananagutan ng sangkot sa mga ito; at 7) matibay at patas na mga alituntunin sa pagtakda ng mga dapat bayaran, sa pagtatalaga ng mga sistema sa pangangasiwa at pagpapatakbo ng mga proyekto, kasama ang pagkakaroon ng PPP Center, Pangangasiwaang Lupon, pasilidad at sistema sa pagsubaybay sa mga proyekto, at pagkakaroon ng wastong ‘PPP unit’ sa bawat sangkot na ahensiya.

Tampok din sa HB6527 ang malinaw na paglalarawan ng ‘material adverse government action’ (MAGA) na milimit ay pinagmumulan ng kontrbersiyal na mga usapin sa kontratang PPP dahil batayan ito ng mga pananagutan ng pamahalaan.

Madiing inerekomenda ng ‘economic team’ ni Pangulong Marcos ang pagpasa ng Kongreso sa PPP Act, na nakikita nilang malaki ang maitutulong sa pagbangon ng bansa mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya.

Kasama sa mga lumagda sa rekomendasiyon sina Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, Finance Secretary Benjamin Diokno, at Budget Secretary Amenah Pangandaman. RNT