Salceda: Special economic powers kay PBBM ibigay vs taas-presyo

Salceda: Special economic powers kay PBBM ibigay vs taas-presyo

July 10, 2022 @ 12:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni House Albay Rep. Joey Sarte Salceda, sa kasamahan niyang mga mambabatas sa Kamara na bigyan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng ‘special powers’ upang mabilis na matugunan ang mga patuloy na ‘inflation’ o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Si Salceda na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, ay isang kilalang ekonomista at may-akda rin ng mahahalagang repormang batas sa ekonomiya ng bansa.

Inihain ni Salceda kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, na inaasahang magiging House Speaker ng 19th Congress, ang kanyang ‘Bayan Bangon Muli (BBM)’ panukala kung saan nakapaloob ang ilang ‘special powers’ para tugunan ang ‘inflation’ na hindi na aabot sa ‘price control,’ na lalong magpapalala naman sa ‘supply stability’ ng mga bilihin.

Kasama sa panukala niyang ‘BBM bill package’ na magkakabisa ng 18 buwan ang mga sumusunod:

1) ‘Anti-hoarding powers’ na magbabawal sa sinuman na mag-imbak ng mga bilihin at serbisyong itatalaga ni Marcos na kulang ang suplay, at magbili nito sa presyong higit na mataas sa umiiral na presyo;

2) Kapangyarihang magbigay ng pautang at garantiya para sa mga nagsusuplay ng mga kailangang bilihin;

3) kapangyarihan sa pagtatalaga ng makatwirang presyo ng mga bilihin upang maiwasan ang muling pagbibili nito sa ‘napakataas na presyo;’

4) kapangyarihan sa kusang pag-imbestiga sa nahahalatang abuso sa merkado ng kuryente at iba pang mga lubhang mahalagang bilihin;

5) Kapangyarihang magbibigay kay Marcos ng karapatang ipagamit ang mga “’pribadong kalsada’, pabilisin ang pagtapos ng mga proyekto ng pamahalaan, magtalaga ng mga alternatibong sistema ng pagtatrabaho, at pansamantalang agkontrol sa mga pasilidad sa paligid ng mga paliparan at pantalan na tutugong sa mga suliraning kaugnay sa pagbiyahe o paghatid ng mga suplay;”

6) Kapangyarihang pakilusin ang mga unipormadong ahensiya ng pamahalaan upang mapabilis ang pagtapos ng imprastrakturang mga proyekto na magpapagaan sa biat o bagal ng transportasyon.

Ayon kay Salceda, sadyang kailangang pagsamahin ang mga tugon sa mga isyu sa agrikultura at seguridad ng pagkain sa mga pampamahalaang pagsasanay, pagpalawak sa ayuda ng DA sa mga magsasaka, at mga mekanismo sa pamamahala sa sobrang suplay ng pagkain upang maiwasan ang pagka-aksaya nito.

“Ipinanukala ko rin ang ilang pamamaraan sa pagtulong sa mga mamamayan sa pamamagitan ng MSME (maliliit at katamtamang mga negosyo). Inaasahan naming maapadali ang sistema ng pagrerehistro ng mga MSME at bawasan ang pagsumite ng mga wala namang katuturang mga hinihingi gaya ng sedula,” paliwanag ng kongresista.

“Sa loob ng panahong may bisa ang panukala (18 buwan), maaari ring italaga ni PBBM ang ‘minimum petroleum inventory’ at atasan ang mga kumpanya ng langis na ipaliwanag ang malaking mga pagbabago ng presyo ng kanilang mga produkto,” dagdag pa nito.

Nauna rito, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang mataas ng ‘inflation rate’ nuong Hunyo 2022 ay umabot sa 6.1% na pinakamataas sa loob ng tatlong taon. Nasa 6.1% ito nuong Nobiyembre at 2018, at 6.9% naman noong Oktubre 2-18. Ayon sa PSA, nagtaas ang ‘inflation rates’ sa presyo ng pagkain at ‘non-alcoholic beverages’ mula noong nakaraang Mayo kung kailan nasa 4.9% ito at umabot sa 6.0% noong Hunyo 2022. RNT