SALITANG KATAPATAN WALA SA BOKABULARYO NG ILANG POLITIKO

SALITANG KATAPATAN WALA SA BOKABULARYO NG ILANG POLITIKO

July 11, 2021 @ 7:00 PM 1 year ago


BUKOD sa sangkaterbang salapi, isa sa mahalagang susi ng tagumpay ng politikong nagnanais maluklok sa inaasam na puwesto ang indorso ng kapwa politiko na may malaking impluwensya sa mga botante.

Ito ang dahilan kaya wala sa bokabularyo ng higit na nakararaming politiko ang salitang katapatan, dahil batid nila na kailangang humanap sila ng matatag at may impluwensyang partido ‘pag malapit nang sumapit ang halalan.

Hindi naman kaila sa marami na ang pagpapalit-palit o paglilipat-lipat ng partido ng mga politiko nangyayari, hindi lang pagkatapos ng eleksyon kundi bago pa man sumapit ang halalan.

Ang pagpapalit ng partido ay nangyayari sa pampanguluhang halalan dahil kung sino ang nagwagi sa pinakamataas na posisyon, tiyak na lolobo ang bilang ng kanyang dinadalang partido dahil sa kanya aanib ang mayorya ng mga politikong nagnanais na maging matatag ang kanilang posisyon.

Pero kung tutuusin, hindi lang naman sa partidong dinadala ng nagwaging Pangulo nagkakaroon ng mass exodus ng mga politikong miyembro ng natalong standard bearer ng kanilang partido patungo sa partido ng nagwaging punong ehekutibo kundi nangyayari rin ito maging sa lokal na pamahalaan.

Dito nga lang sa Caloocan City, may mga dating kakampi sa kanyang partido si Mayor Oscar “Oca” Malapitan na biglang bumitiw sa kanya at nagbigay ng suporta sa posibleng makakatunggali ng kanyang anak na si Congressman Dale Along Malapitan para sa pagka-alkalde ng lungsod sa halalang 2022.

Bagama’t magkahiwalay ang kanilang partido, dating magkakampi at nagtutulungan sina Mayor Oca at 2nd District Cong. Egay Erice subalit biglang naghiwalay ang kanilang landas, mahigit isang taon pa bago idaos ang pambansang halalan.

May kanya-kanyang kadahilanan ang dalawang higanteng politiko sa Caloocan kung bakit nagkahiwalay ang kanilang landas pero hindi na natin iisa-isahing talakayin dahil batid na rin naman ito ng marami, lalo na ang mga taga-Caloocan.

Dahil kilala rin namang maimpluwensiya at madatung si Cong. Erice, may mga politiko na dating kakampi si Mayor Oca ang biglang bumitiw at kumalaban sa kanya sa pamamagitan ng pagkuwestiyon sa proyekto ng pamahalaan nito na nauugnay sa edukasyon.

May politiko raw na bumalik muli sa kandungan ni Mayor Oca na naunang kumalaban sa kanya at siyempre, at bilang mapagpatawad na ama, bukas-palad na muling tinanggap ng alkalde.

Aba, eh ganyan lang talaga ang buhay-pulitika, may mga dapat na ikonsidera para manatili sa hinahangad na posisyon, kahit pa nga kainin nila ang una nilang mga sinabi at akusasyon sa itinakwil na lider.

Sana, maging matalino ang mga botante sa pagpili ng iluluklok sa posisyon. Kaya lang, ang katotohanan dito sa ating bansa, mas marami ang botante na mas nasisilaw sa kinang ng ginto.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0998-2025510.