SALN ni BBM handang isapubliko

SALN ni BBM handang isapubliko

February 17, 2022 @ 8:08 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Handa si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) kung mananalo siya sa election.

Sa presidential debates na isinagawa ng Sonshine Media Network International (SMNI), broadcasting arm ng Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy — sinabi ni Marcos na hindi naman problema sa kanya na ilabas ang kanyang SALN.

“Para sa akin, hindi problema yun. Hindi lang ako nagsusulat ng SALN for the last 6 years pero kung ako ay maging mapalad sa darating na halalan, natural ay kailangan gagawa ng SALN at ito ay ibibigay ko sa publiko kung hihingin sa akin,” paliwanag ni Marcos.

Gayunman, giit niya prerogative o depende pa rin sa isang elected government official kung gagawin ito.

“Yan ang desisyon ko bilang indibidwal, sa aking palagay ay hindi na kailangan palitan ang batas at nasa sa bawat opisyal na yan kung sila ba ay handa na ilabas ang kanilang SALN,” ani Marcos.

“Sa sarili ko lamang, para maging maliwanag, kapag ako ay susulat muli ng SALN, ito ay gagawin kong public information,” dagdag niya.

Alinsunod sa Article XI, Section 17 ng Konstitusyon, lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno ay dapat na magsumite ng deklarasyon ng kanilang SALN sa ilalim ng panunumpa.

Nakasaad din sa batas na sa kaso ng Presidente, Bise Presidente, mga miyembro ng gabinete, Kongreso, Korte Suprema, Constitutional Commissions at iba pang constititional offices at mga opisyal ng armed forces na may general o flag rank, ang kanilang SALN ay dapat na isapubliko sa paraang itinatakda ng batas.

Noong nakaraang buwan, matatandaang sinabi ni Marcos na hindi niya ilalabas ang kanyang SALN dahil maaari aniya itong gamitin sa political attacks laban sa kanya.