Manila, Philippines – Nagsumite ng liham sa tanggapan ng Judicial and Bar Council (JBC) si gender equality advocate Rizza Joy Laurea na humihiling na silipin ang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ni Associate Justice Samuel Martires.
Si Associate Justice Martires ay isa sa mga aplikante sa posisyon ng Ombudsman.
Partikular na ipinasisilip ni Laurea ang inuupahang property ni Martires sa Baguio City kung ito ay idineklara sa kanyang SALN.
Bilang tugon, nilinaw naman ni Martires na kasama sa kanyang idineklara sa SALN ang inuupahan niyang pwesto sa isang pamilihan sa Baguio City na aniya ay investment lang at hindi property dahil hindi niya ito pag-aari.
Si Martires ay isa sa sinabing nangungunang kandidato sa pagka-Ombudsman. Una nang inihayag ng JBC na pagbobotohan ang shortlist sa July 20. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)