SALUDO SA CAVALIER AWARDEE NA SI PMGEN. ELY CRUZ

SALUDO SA CAVALIER AWARDEE NA SI PMGEN. ELY CRUZ

February 21, 2023 @ 2:09 AM 1 month ago


PINAKAMASAYA at pinakadakilang pagkakataon sa buhay ng mga lingkod-bayan ay kapag sila’y pinaparangalan dahil nagagawa nila ang kanilang nais bukod pa sa sinumpaang tungkulin.

Mahirap maging public servant dahil sa iyong mga kilos at aksyon nakasalalay ang pagtasa ng pinagsisilbihang taumbayan at ganoon din ang pinaglilingkurang ahensya o opisina ng pamahalaan.

Ang lahat ng kawani at nanunungkulan sa gobyerno ay nais makakuha, magawaran ng pagkilala sa kanilang trabaho subalit sabi nga ang award o pagkilala ay may kaakibat na mga katangian ng tunay na lingkod-bayan.

Speaking of karangalan, saludo tayo kay PMGen. Eliseo “Ely” Cruz, hepe ng Philippine National Police Directorate for Investigation and Detective Management, sapagkat kamakailan ay tinanggap niya ang prestihiyosong PMA Cavalier for police operations award.

Si Cruz ay miyembro ng PMA-Bigkis-Lahi Class 1990 at ang award na mismong inabot sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay tiyak na nagbigay saya sa butihing heneral na ‘recipient’ nang hindi na mabilang na pagkilala.

Tubong Nueva Ecija, ang cavalier awardee ay humawak nang iba’t ibang posisyon tulad ng hepe ng Highway Patrol Group, director ng Southern Police District at Northern Police District, regional director ng Region 4A, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group at commander ng Area Police Command ng Visayas.

Hindi matatawaran ang naging ambag ni Cruz sa giyera ng pamahalaan laban sa krimen, at terorismo bukod pa sa responsable ito sa paglutas ng ilang high profile cases.

Kumbaga sa dapit- hapon, si Cruz ay isa sa iilan na lang na PMAyers na ilang taon na lang ay magpapaalam na sa serbisyo, papalitan ng mga ayers na mula naman sa Philippine National Police Academy.

Para sa isang opisyal na dekada ang inilagi sa serbisyo – nagsilbi nang maayos at lubos sa PNP, sana’y maging huwaran si Cruz sa mga susunod pang opisyales na mabigyan ng pagkakataon na magsilbi bilang ‘saver at protector’ nina Juan at Maria.

Kudos and congrats PMGen. Ely Cruz.