SALUDO SA MGA PULIS VS 1 TONELADANG SHABU

SALUDO SA MGA PULIS VS 1 TONELADANG SHABU

October 11, 2022 @ 4:04 PM 2 months ago


SINASALUDUHAN natin ang pulisya, lalo na ang Philippine Drug Enforcement Group at si Philippine National Police chief, General Rodolfo Azurin Jr., sa nasakoteng isang toneladang shabu sa Tondo, Manila.

Pinangungunahan ni BGen. Narciso Domingo ang PDEG na nagsagawa ng operasyon sa nasabing droga na ikinadakip nina  MSgt. Rodolfo Mayo Jr. at Ney Saligumba Atadero.

Miyembro mismo si Mayo ng PDEG at may paniniwalang ginamit nito ang kanyang pagkapulis at pagiging miyembro ng PDEG para maging bahagi ng malaking sindikato ng droga.

Dahil sa katatayuan ni Mayo, sinasabi na ni PNP chief Azurin na wala itong sasantuhing pulis na maaaring kasama ng una sa krimen.

Siyempre pa, nasa likod ng mga pulis si Interior Secretary Benhur Abalos at buom-buong sinusuportahan nito ang paglilinis sa hanay ng pulisya at pakikipaggiyera sa droga.

NAGPIPIYESTA SILA

Napansin natin noong bago bumaba sa pwesto si dating Pangulong Digong na nagsisilabasan ang mga sangkot sa droga.

Anak ng tokwa, dumarami ang mga ordinaryong adik, tulak, at mga pulis at ilang local government offiicials at kanilang mga kamag-anak at mga artista.

Tila nagpipiyesta sila sa pagtatapos sa giyera sa droga na Tokhang at Double Barrel.

Halimbawa rito ang P10 bilyong shabu na tumimbang ng 1.6 tonelada na nasakote ng Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at Quezon police sa Infanta, Quezon at galing umano ang mga ito sa mga bansang Mexico, Africa at China.

Nangyari ito bago magtapos ang buwan ng Marso at malapit na ang halalang magtatapos sa termino ni ex-Pang. Digong.

At sa nakalipas na 100 days ni Pang. Bongbong Marcos, naririyan ang mga sunod-sunod na kilo-kilong nasasakoteng droga.

Nitong huli, bumulaga ang isang toneladang kasasakote lamang.

Ang masaklap dito, may pulis pang kasama at taga-PDEG pa…kung mapatutunayang totoo ito.

HUWAG BIRU-BIRUIN

Ngayong panahon ni Pang. Bongbong Marcos, huwag na huwag gawing biro ng mga ninja cop, druglord, narco-politician at iba pa ang giyera sa droga.

At nandiyan na nga ang pagkakasakote ng isang bilyong shabu.

Tuloy-tuloy ang mga operasyon laban dito.

At ang isang kapuna-puna, kita naman natin na pinangalanan agad ang pulis na si Mayo na maaaring kasama ng mga sindikato.

Inaasahan nating ganito rin ang gagawin sa sinomang pulis sa pagpapasok ng droga sa bansa.

Hinuhubaran ang mga suspek ng maskara upang sa simula’t simula ay maiparamdam na walang sinasanto ang gobyernong Marcos sa kampanya nito sa droga.

TULONG NG MGA MAMAMAYAN

Epektibo ang giyera o kampanya laban sa droga kung tutulong ang mga mamamayan sa mga awtoridad na nagsasagawa nito.

Huwag hintayin ng mga mamamayan ang panahon na makapag-ugat nang malalim sa pamahalaan ang mga taong pamahalaan na iskalawag at sangkot sa droga.

‘Yun bang === huwag hayaang aabot sa mga kernel o heneral ang koneksyon ng mga maliliit na pulis at mamayani ang takot sa kalaunan sa buong kapulisan, gaya noong unang mga panahon.

Tiyak na magtatagumpay ang giyera sa droga sa mahigpit na pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan.