Samar, nagluksa sa pagpanaw ni Justice Nachura

Samar, nagluksa sa pagpanaw ni Justice Nachura

March 15, 2022 @ 4:30 PM 4 months ago


SAMAR, Philippines – Nagluluksa ang lalawigan ng Samar sa pagkamatay ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Eduardo Nachura, na nagbigay karangalan sa lalawigan.

Sabi ni Samar Governor Michael Tan, isa sa mga respetadong Mahistrado ng Korte Suprema sa bansa si Nachura dahil sa pagiging dalubhasa nito sa mga political at constitutional law.

“On behalf of the people of Samar, I send my heartfelt and deepest condolences to the family of our very own Justice Antonio Eduardo Nachura,” ang mensahe ni Tan sa kanyang Facebook post.

Kabilang rin sa nagpaabot ng pakikidalamhati sina Samar 2nd District Rep. Ann Tan at Catbalogan City Mayor Dexter Uy na nagbahagi pa ng larawan niya sa Facebook habang tinatanggap ang libro ni Nachura noong 2019 na may pirma nito.

“Truly, he is one of Catbalogan’s pride. May your legacy live on…,” saad ng alkalde.

Marso 13 nang bawian ng buhay si Nachura sae dad na 80.

Siya ay tubong Catbalogan City, Samar na nagsilbing Associate Justice ng Supreme Court mula Pebrero 7, 2007 hanggang Hunyo 13, 2011.

Sa kanyang apat na taong panunungkulan, nasa 1,690 mga kaso ang kanyang naibasura habang 640 desisyon at resolusyon ang kanyang naisulat.

Nahalal din siyang Representative ng ikalawang distrito ng Samar sa loob ng dalawang termino mula 1998 hanggang 2004.

Noong 2006, siya ay hinirang na Chief Presidential Legal Counsel at Solicitor General ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa termino ng noo’y presidenteng si Fidel Ramos, si Nachura ay hinirang bilang komisyoner ng Housing and Land Use Regulatory Board at Education Undersecretary. RNT/ JCM